YANIG
ni Bong Ramos
ISANG mahalagang paalala pong muli ang dapat nating tandaan at ipasok sa ating mga kukote para sa kapakanan ng bansa at mamamayang Filipino lalo sa nalalapit na eleksiyon sa 9 Mayo 2022.
Palagi nating isaisip at isapuso ang mga katagang tayong lahat ay dapat na maging isang matalinong botante at hindi isang bobotante para na rin sa ating haharaping kinabukasan.
Ito na kasi ang takdang panahon, na uso na naman ang utuan at bolahan, pinakamabisang makinarya ng mga tatakbong kandidato na naghahangad maging opisyal ng ating bansa.
Kalakip ng mga makinaryang ito, siyempre ang walang kamatayang mga pangako na kadalasa’y napa-pako at walang nagiging kaganapan. Puro bokilya lang na wala man lang katiting na aksiyon.
Marami rin tayong naririnig na sari-saring ‘plataporma’ na balak gampanan ng mga kandidatong bolero kung sakaling maluklok sila sa liderato ngunit sa halip na plataporma, panay porma lang pala at walang plata.
Pakatandaan natin na tayo ang lumalabas na employer ng mga kandidatong ‘yan na pawang mga aplikante pa lang at nais mamasukan bilang empleyado na walang ibang layunin kundi maging public servant at maghatid ng serbisyo publiko.
Nasa ating mga kamay kung sila ay tatanggapin at bibigyan ng pagkakataon upang maging isang ehemplo na walang ibang hangad kundi ang taos pusong manilbihan sa bansa at mamamayang Filipino.
Bukod sa pagsisilbi, tungkulin din na gabayan at akayin tungo sa kaunlaran ang mamamayan mas lalo na ang mga naiiwanan sa ere at ang mga taong nakakapit pa rin sa ladlaran ng saya dahil sa kahirapan.
Importante at sensitibo ang mga inaaplayan nilang posisyon mula sa pagka-presidente, bise presidente, senador, congressman, gobernador, alkalde hanggang konsehal.
Kung sakaling papalarin, sa kanilang mga kamay nakasalalay ang kinabukasan ng bansa at ng mamamayang Filipino. Iyan ang kanilang obligasyon bilang sukli at pasasalamat sa mga botanteng nagtiwala at nagluklok sa kanilang kinalalagyan.
Sana naman ay suriin at kilatisin nating mabuti ang mga pagkatao ng mga kandidato mula ulo hanggang paa dahil ilan taon din silang mananatili sa kanilang posisyon. Isang kumpas lang ng kanilang mga kamay ay mahalaga, puwedeng mapariwara at puwede rin namang umunlad.
Ito ang sinasabi nating napakahalaga ng ginagampanan nating papel lalo na tayong mga botante. Huwag sana nating pagsisisihan ang ginawa nating desisyon kagaya ng nangyari sa nakalipas na administrasyon na kung saan umiling at nagkibit balikat na lang tayo.
Wala kasing unang pagsisisi, lahat ng pagsisisi ay nasa huli kung kaya’t isang libong beses muna natin isipin bago tayo tuluyang magdesisyon.
Tayo’y maging matalinong botante at huwag maging isang bobotante.