SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
AYAW madaliin nina McCoy de Leon at Elisse Joson ang pagpapakasal. Katwiran nila, kailangan itong paghandaang mabuti at kailangan din nilang mag-ipon.
Ito ang binigyang linaw ng McLisse sa isinagawang virtual media conference ng Viva Films para sa pelikula nilang Habangbuhay na ipalalabas sa Vivamax Plus sa April 20 at sa Vivamax sa April 22.
Natanong kasi ang dalawa kung may wedding plans na at sinabi ni McCoy na ayaw nilang madaliin ang mga bagay-bagay.
Sinabi naman ni Elisse na gusto nilang paghandaan ang bagay na ito lalo pa nga’t may anak na sila.
“Kailangang mag-ipon,” pagtatapat at nangingiting sabi ni Elisse.
Samantala, sobrang thankful naman si Elisse na si McCoy ang naging partner at ama ng kanilang anak na si baby Felize.
Aminado si Elisse hindi naging madali ang adjustments at challenges na pinagdaanan nila ni McCoy, pero thankful siya rito.
“Dahil si McCoy, he’s a very hands-on dad. Sobrang nakita ko ‘yung shift from being just boyfriend, tapos naging dad na siya. So, everyday, kahit hindi ko nasasabi sa kanya araw-araw, nakikita ko talaga ‘yung pagiging responsible niya na tatay.
“And lagi ko ngang sinasabi kay Felize, kahit hindi niya naiintindihan that she’s very lucky to have McCoy as her dad,” anang aktres.
Perfect mom naman para kay McCoy si Elisse.
“Wala akong masabing kulang, wala akong masabing sobra. Sobrang perfect si Elisse para sa anak namin. Kaya ayun, thankful ako kay Lord,” giit ni McCoy.
Sa kabilang banda, aminado ang McLisse na nang i-offer sa kanila ang Habangbuhay ay medyo nagdalawang-isip sila na tanggapin ito.
“Ang haba po ng process before we actually were able to do this film. Siguro, ‘yung deciding factor is because nga we have to consider na we have a baby and also, the work circumstances na pandemic tapos may baby kaming kasama,” ani Elisse.
Isa pa sa worry nila ay baka hindi na bumagay sa kanila ang pelikula na young love ang tema since may anak na nga sila.
Ginagampanan ni Elisse ang karakter ni Bea na may sakit na Common Variable Immune Deficiency (CVID). Si McCoy si JR, ang houseboy ng kanilang pamilya. Naging magkalapit sila ni Bea dahil sa interes nila sa musika, hanggang tuluyan na nga silang ma-in love. Mas binibigyang kulay ni JR ang mundong nakasanayan ni Bea, at para sa kanya, si JR ang kanyang “safe space”.
Ang Habangbuhay ay idinirehe ng award-winning na si Real Florido. Pinarangalan siya bilang Best Director sa London Film Awards at nagwagi ng Best Feature Film sa Canada International Film Festival para sa pelikulang 1st Ko Si 3rd. Nakatanggap din ang pelikulang ito ng Gender Sensitivity Award sa QCinema International Film Festival.