AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HINDI maipagkaila na pumapangalawa si presidential candidate Vice President Leni Robredo sa mga lumalabas na voter preference surveys – sumusunod siya sa anak ng dating diktador.
Ngunit sa kabila naman ng lahat, hindi na mapigilan ang patuloy na paglakas ng suporta kay Robredo. Araw-araw dumarami ang nagpapahayag ng suporta sa kanya — retired generals ng AFP at PNP, maging ng Philippine Navy…at malalaking kilalang grupo mula sa iba’t ibang sektor.
Nasaksihan sa mga grand rally ng LENI-KIKO tandem sa iba’t ibang sulok ng bansa. Halos hindi na mahulugan ng karayom ang nagdaratingang nagsisigaw ng kanilang suporta kay Robredo para sa susunod na pangulo ng bansa.
Ilan sa mga ebidensiyang malalaking rally para kay Leni ay ang naganap sa lalawigan ng Cavite at sa Pasig City. Ilan lang ito sa dalawang higanteng rally ni Leni.
Indikasyon ito na umaarangkada na talaga ang kandidatura ni Robredo na kung papalarin manalo sa May 9, ay magiging pangatlong babaeng Pangulo ng ating bansa.
Nitong nakaraang weekend, maganda na naman ang kinalabasan ng kampanya ni Robredo. Nakakuha na naman ang ale ng suporta.
Inendoso ni Cavite 4th District Representative Elpidio “Pidi” Barzaga, pangulo ng National Unity Party (NUP), si Robredo. Kasama niya ang kanyang maybahay na si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga. Malaking bagay ang pagsuporta ni Mayor Jenny dahil ang Dasmariñas ay halos may 400,000 botante.
Nagdeklara ang mga Barzaga ng kanilang suporta kay Robredo, dalawang araw matapos sabihin ng NUP na sila ay para kay Marcos, Jr.
Ang mag-asawang Barzaga, nanindigan. Sinabi ni Pidi na ang kanilang pagpili kay Robredo ay base sa kanyang naging track record bilang isang public servant. Nakita ni Pidi na si Robredo ang pinakakalipikadong kandidato sa pagka-Pangulo dahil magiging tapat ang gobyerno, at aangat ang buhay ng lahat.
Maging sa Imus, Cavite, nagpahayag din ng suporta ang tumatakbong mayor na si Cavite 3rd District Rep. Alex Advincula ng kanyang suporta kay Robredo.
Lalong magandang panoorin ngayon ang Cavite dahil may Barzaga at Advincula sa panig ni Robredo at mga Remulla sa kabila. Matatandaan na si Cavite Gov. Jonvic Remulla ay nagsabing 800,000 daw ang makukuhang boto ni Marcos sa Cavite. Naku, sabi lang iyon e paano mangyayari iyan samantalang bukod sa endorsement ng mag-asawang Barzaga at Advincula, nasaksihan naman natin ang lahat noong grand rally ni Leni at Senador Kiko Pangilinan sa Gen. Trias, Cavite nitong 4 Marso 2022.
Halos 50,000 supporters ng tandem ang dumalo! Ang ginawang sagot ni Remulla: Inakusahan ang mga kapwa niya Kabitenyo na mga komunista raw at bayaran. Bayaran? Ganoon pala kababa ang tingin ni Remulla sa mga constituents niya.
Hindi ito pinaglabas ni Robredo at ng kanyang mga tagasuporta. Tinuligsa nila ang ‘red-tagging’ sa kanila ni Remulla at sinabi na kusang dumalo ang mga tao sa rally, nag-volunteer, at nagkanya-kanyang ambag para maipakita ang kanilang suporta sa Leni-Kiko tandem.
Sa Mindanao, bagamat hindi ito balwarte ni Robredo umaarangkada na rin ang suporta para sa kanya. Noong nakaraang linggo sa Davao region ay walang takot na nagpakita ng suporta kay Robredo ang mga Dabawenyo.
Kahapon, inianunsyo ni Misamis Oriental 2nd District Rep. Juliette Uy at ng kanyang buong Team Unity tiket na sila ay para kay Robredo.
Si Uy ay tumatakbo bilang Misamis Oriental governor at ang kanyang katunggali na si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno ay ineendoso rin si Robredo. Matatandaan na si Moreno ang unang opisyal mula sa Mindanao na nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Robredo bilang Pangulo.
Ang anak naman ni Uy na si Villanueva Mayor Jennie Mendez sinabi na nakatutulong sa marami nating kababayan ang mga proyekto ni Robredo, kabilang rito ang pagtutok sa edukasyon, ang mabilis na pagresponde sa CoVid-19 pandemic, ang mga programa ng Angat Buhay at pagsuporta sa mga kababaihan at maliliit na negosyo o ang tinatawag na MSMEs.
Sinabi ni reelectionist Misamis Oriental Vice Governor Joey Pelaez, prinsipyo ang ipinairal ng Team Unity sa kanilang pag-endoso kay Robredo bilang Pangulo.
Para kay Pelaez, kailangan pag-aralan ng mga Filipino ang ating kasaysayan dahil malalaman nila kung gaano kalupit ang martial law. Kung alam nila ang pagmamalabis ng martial law, magagabayan sila sa pagpili ng sino ang dapat iboto at hindi dapat iboto.
May punto si Pelaez na dapat malaman ng mga Filipino ngayon kung ano ang buhay noong ipinairal ng dating diktador na pangulo, ama ni Ferdinand Marcos, Jr., ang martial law…at higit sa lahat kung bakit ang pamilyang Marcos ay pinalayas sa Malacañang ng nakararaming Pinoy noon.