MANILA—Pinagharian ni Jonas Magpantay ang 1st IMBA’s Place Taguig 10-Ball Open Tournament nung Huwebes ng gabi, Marso 24, 2022 na ginanap sa IMBA’s Place Billiard Hall sa Taguig City.
Ang top player ng Bansud, Oriental Mindoro na si Magpantay na ang moniker ay “The Silent Killer” ay nagbulsa ng top prize P70,000 matapos talunin si Paolo Gallito na may score na 11-6 sa finals. Natanggap ni Gallito ang P30,000 para sa runner-up place.
Nakapasok si Magpantay sa Finals matapos niyang talunin sina Jerico Banares, 9-6, sa Quarter Finals Match at Jason Sentillas, 9-5, sa Semifinals.
Habang kinakailangan namang talunin ni Gallito sina Dennis Orcollo, 9-4, at Angelo Ariola , 9-5, para makapuwersa ng titular showdown kay Magpantay.
-Marlon Bernardino-