ISANG 6-anyos batang lalaki ang namatay matapos masagasaan ng sasakyang bahagi ng convoy ng isang kandidatong kongresista sa bayan ng Solana, lalawigan ng Cagayan nitong Huwebes, 24 Marso.
Kinilala ang biktimang si Augusto Cauilan, kindergarten student, at residente sa Brgy. Sampaguita, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigador ng kaso na si P/SSgt Jeriemar Prieto, naganap ang insidente dakong 11:30 am noong Huwebes nang masagasaan ang biktima ng isang itim na Toyota Land Cruiser, may plakang NAM 9882 at minamaneho ni Elmer Kulasing, 54 anyos, residente sa Brgy. Danaili, bayan ng Abulug, sa naturang lalawigan.
Kabilang ang nakasagasang sasakyan sa convoy ni Congresswoman Baby Aline Vargas Alfonso ng pangalawang distrito ng Cagayan.
Nabatid na binabagtas ng convoy ang national road mula lungsod ng Tuguegarao patungong bayan ng Piat.
Nang dumating sa Brgy. Sampaguita, bigla umanong tumawid ang bata sa kalsada.
Nabangga ng sasakyan ang bata at tumilapon ang kaniyang katawan na nagresulta sa mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad dinala ng mga kasama ng driver na kinilalang si Jayson Pamittan at Dimetrio Ziganay, ang biktima sa St. Paul Hospital sa Tuguegarao para malapatan ng lunas ngunit binawian din ng buhay ang bata.
Tinawagan ng Solana MPS ang driver at sinabihang magpakita kasama ng sasakyang sangkot sa insidente.
Sumuko si Kulasing sa pulisya matapos ang pinuntahang aktibidad ng Kongresista.
Ani Prieto, “Sinabi ng isa sa security na inaayos na nila ang ospital at makikipag-ayos na rin sa pamilya ng biktima.”
Dagdag ni Prieto, napag-alamang mag-isa ang biktima at walang nagbabantay sa bata nang mangyari ang insidente.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Solana MPS ang driver.