MAS PINILI nina mayoralty candidate Atty. Alex Lopez at vice mayor bet Raymond Bagatsing ang pagdalo sa Banal na Misa, makiisa sa mga taga-Tondo at magsilbi kasama ang mga lider at volunteers ng Kalipunan ng Masang Filipino (KAMPIL) imbes magsagawa ng isang proklamasyon rally sa unang araw ng kampanya ng mga lokal na kandidato para sa 2022 elections.
Maagang nagtungo sina Lopez at Bagatsing sa simbahan ng St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo upang humingi ng basbas at gabayan sila sa kanilang pangangampanya.
Matapos ang Banal na Misa, nagtungo ang tandem sa Juan Luna, Gagalangin, Tondo at kinumusta ang sitwasyon ng mga residente sa naturang lugar.
Nagawa rin nilang maipahayag sa kanilang mga nakausap ang ilan sa kanilang mga plataporma de gobyerno o plano para sa lungsod ng Maynila sa sandaling mahalal sila sampu ng kanilang konseho.
Walang sinayang na oras sa unang araw ng kampanya ang tambalang Lopez-Bagatsing upang kanilang makadaumpang palad ang bawat Manileño.
Dumalo din ang magka-tandem sa isang pagtitipon ng mga kabataan, na sinabing ang tandem ang nasa puso nila at bahagi ng kanilang mga programa.
Nakiisa rin sila sa mga lider at volunteers ng KAMPIL sa isinagawang Medical and Dental mission na ginanap sa Loreto Church, Sampaloc, Maynila.
Umaasa sina Atty. Alex at Raymond na makukumbinsi nila ang mayoryang botanteng Manilenyo para suportahan sila sa kanilang kandidatura sampu ng kanilang mga kasamang konsehal at kongresista sa anim na distrito ng Maynila.
Nagpapasalamat sina Lopez at Bagatsing sa mainit na pagtanggap at pagsalubong sa kanila ng mga Manilenyo.
Nanindigan sina Lopez at Bagatsing na muli nilang bubuhayin at babaguhin ang imahen ng lungsod at umasang direkta at sapat na serbisyo sa bawat Manilenyo.
Patutunayan ng tambalang Alex at Raymond na sila ang tunay na magiging pinuno ng lungsod na may puso at malasakit para sa kanilang kapwa Manilenyo at magbabangon sa lugmok na lungsod.