BILANG pakikiisa sa Buwan ng mga Kababaihan, nagsagawa ng medical mission ang pamahalaang lokal ng Las Piñas, katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng 18th Women with Disabilities Day sa Heritage Homes Covered Court, Barangay Talon Dos sa lungsod, kamakailan.
Ang Beauty Beyond Borders ng The Aivee Group ang nanguna sa isinagawang medical mission sa lugar nitong Biyernes, 25 Marso.
Aabot sa 300 babaeng may kapansanan sa lungsod ang nakatanggap ng libreng dermatologic medical assistance.
Sumailalim ang mga kababaihan sa libreng pagsusuri at gamutan.
Sa naturang programa, kabahagi rin ang City Health Office (CHO), na naghandog ng libreng gamot at sabon habang nagbigay ang Beauty Beyond Borders ng skin care creams o gamot sa balat.
Muling tiniyak nina Mayor Mel Aguilar at Vice-Mayor April Aguilar ang suporta at kapakanan ng mga persons with disabilities (PWDs) sa lungsod.
Anila, ipinaprayoridad ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng libreng atensiyong medikal sa mga kababaihang may kapansanan lalo sa kanilang problema o karamdaman sa balat. (GINA GARCIA)