ISANG Vietnamese ang namatay habang sugatan ang isang Chinese national nang manlaban sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang operasyon sa Entertainment City, sa Parañaque City nitong Huwebes.
Kinilala ang napaslang sa enkuwentro na si Tuan Dat Sy, habang ang Chinese national na si Juandong Yu, 25 anyos, ng unit 15A Bayshore 2, Pasay City ginagamot sa San Juan De Dios Hospital dahil sa mga tama ng bala.
Sinasabing kapwa sangkot ang dalawa sa serye ng kidnapping for ransom (KFR) sa mga Chinese nationals na nasa bansa.
Sa ulat, sinabing dakong 11:19 pm nang mangyari ang insidente sa Aseana Block 8 ng Open Parking, Aseana Avenue, Barangay Tambo, Parañaque City.
Sa responde ng Tambo Police Station sa pangunguna ni P/Major Jolly Soriano, sa pinangyarihan ng insidente, inabutan nila ang mga ahente ng National Bureau Investigation – International Opertion Division (NBI-IOD).
Sa imbestigasyon, natukoy ng mga ahente ng NBI-IOD ang mga suspek na sakay ng itim na Toyota Innova, may plakang DAZ 6785 kaya pinara at hiniling na bumaba matapos magpakilalang NBI agents.
Imbes bumaba ay pinaandar ang sasakyan at dumeretso sa kinatatyuan ng mga operatiba na akmang sasagasaan ngunit mabilils na nakaiwas.
Hinabol ng mga operatiba habang nakikipagputukan ang dalawang suspek hanggang nagawang makatakas patungo sa Skyway.
Hindi agad naabutan ang mga suspek hanggang bumalik sa NBI headquarters sa Maynila ang mga operatiba.
Ngunit bago maghatinggabi, may nagbigay ng impormasyon sa NBI-IOD na nakita ang sasakyan ng mga suspek sa nasabing parking area ng Entertainment City kaya agad nilang binalikan hanggang mauwi sa madugong enkuwentro ang pangyayari.
Patay agad ang pasaherong Vietnamese habang ang driver na Chinese national ay sugatan.
“We are not in the position to comment as to the details of this operation. But surely, deaths resulting from legitimate law enforcement operations were something we always do not want to happen. However, it is inevitable especially when the lives of our lawmen is at stake. Hence, we always plea for cooperation even among those whom we are bound to arrest in order to avoid circumstances like this,” ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/MGen. Felipe Natividad. (GINA GARCIA)