SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAWALA ang pagka-pormal ni senatorial candidate Antonio “Sonny” Trillanes IV nang sumalang ito sa pakikipagtsikahan sa Youtube channel nina Ogie Diaz at Mama Loi, ang Ogie Diaz Showbiz Update.
Sa show ay ipinakita ni Trillanesang pagiging kuwela dahil hindi napigilang mapangiti nang sabihin ng dalawa na sila’y “na-turn-on” nang makaharap ang dating senador.
“Ganyan talaga kapag guwapo, matipuno, at makisig,” ani Mama Loi.
Napatili naman ang dalawa nang banggitin ni Trillanes na “mahabang ano” ang dahilan kung bakit nanatiling bata at guwapo ang kanyang itsura.
“Wala namang out of the ordinary. Sinasabi nila mahaba…,” sambit ni Trillanes bago naputol ang kanyang sagot ng mga tili nina Ogie at Mama Loi.
Mabilis naman sa paglilinaw si Trillanes at sinabing ang tinutukoy niya ay ang mahabang pananatili niya sa kulungan kaya napanatili niya ang batang itsura.
“Mahaba ang taon na nakulong ako kaya hindi na-expose sa elements,” paliwanag ni Trillanes at saka inaming mayroon siyang mga tagahangang bading noong kabataan niya.
Pero wala palang nag-alok sa kanyang mag-artista siya kahit kitang-kita ang kaguwapuhan niya lalo nan nang pumasok sa Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Trillanes, pangarap niya ang maging electrical engineer, ngunit naimpluwensiyahan siya ng military background ng ama kaya siya sumali sa PMA.
Inamin din ng dating senador na may crush siya sa ilang artista noong dekada 80, gaya nina Dawn Zulueta at Gretchen Barretto.
“Noong teenager tayo nagkaroon din tayo ng crush na artista. Sina Dawn Zulueta at Gretchen Barretto,” anang senador at sinabing personal na rin niyang nakita si La Greta.
Natanong naman ni Ogie si Trillanes kung bakit nakatira pa rin ang kanyang pamilya sa bahay ng kanyang biyenan kahit naging mambabatas na siya ng 12 taon.
“Unang-una kasi, noong tayo ay nakakulong, naging komportable na ang pamilya ko roon. Ang in-laws ko naman sa GenSan nakatira so, ipinahiram sa amin iyong bahay na iyon,” esplika ni Trillanes.
“Nasanay na kami, komportable kami. Hindi rin kami sanay sa magarbong pamumuhay,” dagdag pa niya at buong pagmamalaking sinabi na nakabili siya ng ilang ari-arian mula sa suweldo niya bilang mambabatas at hindi sa katiwalian.
Mula 2007 hanggang 2019, si Trillanes ang pinaka-produktibong senador na nakapagpasa ng 98 national bills bilang principal author, kabilang ang AFP Modernization Law, Increase in the Subsistence Allowance of Uniformed Personnel, Salary Standardization Law 3, Increase in the Burial Assistance to Veterans, Archipelagic Baselines Law, Universal Healthcare Law, Immediate Release of Retirement Benefits of Government Employees, PAG-IBIG Fund Law, Magna Carta for Disabled Persons, Expanded Senior Citizens Act, at Anti-Bullying Act.
Kaya kapag muling nahalal sa Senado, plano ni Trillanes na isulong ang mga batas na magpapaigting sa kampanya kontra katiwalian at magpapalakas sa peace and order, paglaban sa kahirapan at pagpapatibay ng mga programang pang-kalusugan at edukasyon.