MA at PA
ni Rommel Placente
SA panayam ni Cristy Fermin kay Ariel Rivera sa radio show niyang Cristy Fer Minute, ipinaliwanag ng huli sa una ang dahilan kung bakit iniwan niya ang noontime show nilang Lunch Out Loud (LOL) na napapanood sa TV5.
Ayon sa singer-actor, ang kakulangan sa budget ang rason.
Ayaw na raw niyang makitang nahihirapan ang producer ng show dahil nalulugi na umano ito.
Sabi ni Ariel, “Unang-una ho, kasi may problema sa budget. May problema sa budget. Tapos ang producer namin, eh, mabait, mabait ‘yung producer namin, sobrang bait.
“In fact, nalulugi na po siya, e, ayoko naman siya bumigat pa yung problema niya.
“So, imbes na mahirapan pa siya, babawasan ko na lang ‘yung gastos, umalis na lang ako.
“Kaya umalis ako roon hindi masama ang loob ko, kundi masakit ang puso ko, kasi mahal na mahal ko ‘yung mga tao roon.”
Ang LOL ay ipinroprodyus ng Brighlights Productions, na pag-aari ni former Congressman Albee Benitez.
Puring-puri ni Ariel si Benitez dahil ibinigay nito lahat ng mga kailangan ng hosts at ng show.
“‘Yung producer namin wala ho siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin ibinibigay niya po lahat.
“Kaya ayokong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako.
“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon pa lang ako… kung nakikinig si Albee, Congressman Albee, gusto kong magpasalamat sa inyo pero ayaw ko ng maging pabigat sa production.
“And alam ko naman ang huhusay ng mga host doon, mabubuhay ‘yung show kahit wala ako. ‘Yun ang totoong dahilan lang po niyon,” aniya pa.
Noong November 21, matapos magdiwang ang LOL ng kanilang unang anibersaryo, umalis na si Ariel.