NAGPAKAIN ng lugaw at pandesal sa mahabang pila ng passports applicants sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga tauhan ng Sub-Station 2 ng Parañaque City police upang makatulong sa halos 36 oras nang nakapilang aplikante sa pagkuha ng pasaporte sa harap ng tanggapan ng DFA, sa Macapagal Blvd., Tambo, Parañaque City, kahapon ng umaga.
Pinuri ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg ang ginawang pagsisikap ng mga tauhan ng nasabing estasyon ng pulisya sa pangunguna ni P/Col. Maximo Sebastian, na pamimigay ng mainit na lugaw at pandesal sa passports applicants na nagtitiyagang maghintay habang nakapila kahit hindi pa kumain.
Naisipan ng mga pulis na makatulong sa maliit na paraan matapos makita ang sitwasyon ng walk-in na nag-a-apply ng passports sa naturang ahensiya na karamihan ay 36 oras nang nakapila.
“Nakatutuwang makita ang ating mga pulis na nagkukusang tumulong sa ating mga kababayan, ito na marahil ang brand ng ating mga pulis na mayroon tayo ngayon. Matulungin, maaasahan, at hindi mag-aatubiling tumulong sa mga taong nangangailangan nito.
“Nang makita ng ating mga pulis na mahaba ang pila sa ahensiya ng DFA para sa mga nagpapa-authenticate ng kanilang mga dokumento, agad silang gumawa ng hakbang na kahit sa munti nilang paraan ay mapawi ang puyat at pagod ng ating mga kababayan. Kaya naman as your District Director kagalakan at tuwa ang hatid nito sa aking puso nawa’y ipagpatuloy natin ang ganitong mga gawain,” ani Macaraeg.
“We are blessed to be a blessing to others,” pahayag ni SPD director Macaraeg. (GINA GARCIA)