SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
ANIMO’Y simpleng tao at ‘di sikat na nagtatalon sa isinagawang rally sa Pasig noong Linggo si Angel Locsinpara kay Vice President Leni Robredo.
Talagang napatili si Angelnang mapansin ng presidential aspirant ang ginawa niyang placard na may nakasulat na, “Ma’am Leni! Sayo na ang bato!” Nagpaka-fan girl ‘ika nga si Angel nang makaharap niya nang personal si VP Leni sa campaign rally.
Agad nag-viral sa social media ang video ng pagsigaw ni Angel. Ito ‘yung lumapit sa kanya si VP Leni at nasabi nito paulit-ulit ang, “Oh, my God!!! Oh, my God!!!”
Ipinagmalaki rin ni Angel ang nangyaring iyon kaya naman ipinost niya rin agad sa kanyang official Facebookaccount ang mga naging mga kaganapan sa pagsugod niya sa tinaguriang People’s Rally.
“Napansin yung project kong inabot ng 3am (laughing emoji). Thank you po Ma’am @bise_leni @aikarobredo @jpgrobredo at mga kuya marshals.
“Sabi ng asawa ko ‘tama na, tama na….’ nu’ng nagsisigaw ako. Tapos hinila na ako palayo, LOL,” pahayag pa ni Angel.
Ipinakita ng misis ni Neil Arce ang ginawang placard na ilang oras nga niyang kinarir. Ang“bato” na sinabi ni Angel ay ang mahiwagang bato na isinusubo ni Narda para maging si Darna na unang sumikat sa komiks na nilikha ni Mars Ravelo.
Hindi lang sa telebisyon nagiging Darna si Angel, maging sa totoong buhay, itinuturing siyang Darna ng publiko dahil sa walang tigil niyang pagtulong sa ating mga kababayan na biktima ng sakuna at trahedya.
Samantala, ilang rock bands, pop artists, actors at celebrities ang nakiisa sa libo-libong nag-rally para kina VP Leni at Sen. Francis Pangilinan.
Ilan pa sa nagbigay-saya at sumuporta sa Leni-Kiko tandem sina Donny Pangilinan na umawit ng Ikaw Lang Ang Aking Mahal ng Brownman Revival at nagbigay ng mensahe para sa kanyang Tito Kiko.
“Noong bata pa ako nakita ko na, na mahal niya talaga ang mga magsasaka at mga mangingisda and I’m speaking from the heart, nandoon ang puso niya sa mga Filipino kaya sabi ko sa kanya, Tito, I will support you all the way,” sambit ni Donny.
Inawit din ng Ben&Ben ang bago nilang kantang Sabel, gayundin ang Pagtingin, Kapangyarihan at Araw-Araw.
Nakipag-duet naman si Jolina Magdangal sa Rivermaya.
Dumalo rin sa rally sina Kokoy De Santos at Elijah Canlas samantalang nagsilbing host sina Melai Cantiveros, Julia Barretto, at Robi Domingo.
Naging top trending topic sa Twitter noong Sunday at nakakuha ang livestream nito ng 3.1 million views sa Facebook at 380,000 views naman sa YouTube.