TINAWAG ni dating senador Francis “Chiz” Escudero na “far-fetched and incredulous” ang mga paratang na may alyansa ang kampo ni Vice President Leni Robredo at ang mga komunistang rebelde.
Sa isang post sa Twitter, sinabi ni Escudero, may pagkakaiba man sila ng posisyon pagdating sa pagbuwag o hindi sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), naniniwala ang dating senador na hindi nakikipag-alyansa si Robredo sa mga komunista.
“I am in favor of the retention of the NTF-ELCAC… [and] @lenirobredo may have a different position, but I find the allegation that she… has entered into an alliance/agreement w/ the [communist] both far-fetched [and] incredulous, to say the least,” sabi Escudero, guest candidate sa ilalim ng Leni-Kiko senatorial slate.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang gobernador ng Sorsogon sa NTF-ELCAC na siyang nagpapatupad sa Barangay Development Program dahil nakatulong umano ito sa 16 barangay ng kanyang probinsiya.
Si Robredo naman ay nagsabi na suportado niya ang “whole-of-nation” approach ng NTF-ELCAC, ngunit hindi ang paggamit sa programa sa “red-tagging” ng mga aktibista.
Si Escudero ang pinakahuli sa mga personalidad na nagtanggol kay Robredo laban sa mga alegasyon matapos magpahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na may plano ang mga ‘dilawan’ at komunistang grupo na guluhin ang halalan sa Mayo.
Sinabi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson nitong nakaraang mga araw na may “communist infiltration” umano sa kampo ni Robredo.
Ipinagtanggol ni dating senador Antonio Trillanes, na ngayon ay tumatakbo sa ilalim ng Leni-Kiko tandem, si Robredo at hinamon si Duterte at Lacson na pangalanan ang mga ‘komunistang’ sinasabi nila dahil kung hindi ay nararapat lamang silang bansagan na “fake news peddlers.”
“Bilang kaalyado ni VP Leni, deretsahan na sasabihin ko na hindi ito totoo, pero bibigyan ko pa rin sila ng pagkakataong maglabas ng pangalan,” ani Trillanes.
Malayong magkaroon ng alyansa si Robredo sa mga komunistang grupo, aniya, dahil suportado siya ng mga retiradong heneral at opisyal ng militar at pulis.