SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“MAGULONG-MAGULO pero masaya!” Ito ang unang nasabi ni Kim Molina ukol sa muling pag-arangkada ng kanilang Masked Singer Pilipinas Season 2 na dahil matagumpany ang season 1 eh may season 2 agad na mapapanood simula Marso 19, Sabado sa TV5.
Ani Kim magulo at masaya dahil may madaragdag na kaganapan sa Season 2 ng kanilang show.
“Habang ginagawa namin ito basta na lang naisip namin na ipasok itong isang parang sort of segment o part of the show na sobrang nagbigay ng excitement sa amin. Kaya ‘yun ang kailangan nilang abangan na wala noong season 1,” excited na pagbabahagi ni Kim.
Si Billy Crawford pa rin ang host ng show kasama pa rin ang mga kuwelang Judge Detectives na sina Aga Muhlach, Matteo Guidicelli, Cristine Reyes, Kim, at ang pinakabagong makakakulitan nilang si Bayani Agbayani. Mask marami at mask masaya ang bagong season ng Masked Singer Pilipinas dahil ngayon ay 16 na ang celebrity contestants na susubukang hulaan at i-unmask ng mga Judge Detective base sa kanilang mystery voices.
At dahil baguhan si Bayani na nadagdag bilang Judge Detectives natanong ito kung paano nakipagsabayan sa kulitan nina Aga, Billy, Matteo, Cristine, at Kim. “Hindi naman ako nahirapan kasi nakasama ko na sila sa iba’t ibang show, si Kuya Aga kapatid ko ‘yan eh, medyo tiningnan ko muna kung paano sila, ‘yung rapport nila at nakita ko na bonded na sila. Nasabi ko sa sarili ko na, ‘ay hindi na ako mahihirapan dito,’ at nagtatanong ako ng mga bagay-bagay kay Kuya Aga,” sambit ni Bayani.
Sa kabilang banda, inamin naman ni Aga na dahil mahirap makahanap ng magandang pelikula ngayon at dahil pandemic, nae-enjoy niya ang mga hosting job o light project na tulad nitong Masked Singer Pilipinas.
“Focustalaga ang buong buhay ko sa pelikula eh parang ang hirap na rin makakita ng magandang pelikula. The last movie that I did was the adaptation of a Korean film, ‘Miracle Cell No. 7.’ It’s just fortunate na naka-jackpot kami sa Metro Manila Film Festival and after that dumating na ang pandemic talaga. In terms of producing naman, yes nakakapag-produce naman ako ng mga show.
“In directing naman, when I’m much younger, a lot younger, I have a dream of directing but nakita ko parang minsan ang sabi mas better na mag-focus ka na lang kung saan okey ka talaga,” anang magaling na aktor.
Ukol naman sa paggawa nila ng movie ni Lea Salonga, sinabi ng aktor na may malaking sorpresa siyang dapat abangan in 2-3 months. Hindi pa lang niya masabi dahil pinag-uusapan pa iyon. Ang sure lang, first time niya itong gagawin.
“Sa movies naman let’s see, wala pa namang sinehan, ayoko namang gumawa ng pelikula kung sayang, kasi takot pumasok sa sinehan ang tao. Mas maganda I think for next year. I’m doing one now for Netflix this year,” sambit pa ni Aga.
Samantala, kung na-enjoy ng viewers ang season 1 ng Masked Singer Pilipinas, mas mae-enjoy pa ang season 2 dahil sa concert-level performance ng mga kilala at respetadong singers na nakakubli sa loob ng kanilang colorful mascot costumes. Kanya-kanyang pagalingan sa panghuhula rin ang bawat miyembro ng pamilya para kilalanin ang mga masked singer.
Kaya tutok na at makisama sa saya at hulaan sa pagbubukas ng Masked Singer Pilipinas Season 2 ngayong Marso 19, 6:00 p.m. sa TV5. Ang Masked Singer Pilipinas ay isang collaboration ng TV5, Viva, at Cignal.