MULING itinalaga si Undersecretary Mary Liza Diño para sa isa pang tatlong taong termino bilang Chairperson at CEO ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
Nanumpa si FDCP Chairperson at CEO Diño sa harap ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez sa isang virtual na seremonya noong Miyerkoles, Marso 9. Sinaksihan ang seremonya ng mga kinatawan ng DTI at mga empleado ng FDCP.
Nagsilbi si Undersecretary Diño sa pambansang ahensiya ng pelikula matapos maitalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016. Nagkaroon ng extension ang kanyang termino hanggang 2021, at ngayon, matapos ang reappointment, ang kanyang termino bilang Chairperson at CEO ay mapapahaba hanggang 2025.
“On behalf of our team FDCP, onsite and online, maraming, maraming salamat,” wika ni Undersecretary Diño matapos ang seremonya ng panunumpa.
Binati ni DTI Secretary Lopez si Undersecretary Diño at sinabing, “I’m impressed with all the kind of work you’re doing and I wish you all the best. I know, under your leadership, mas gaganda pa ang ating film industry. Palakasin pa natin.”
Mula noong 2016, pinangunahan ni Diño ang pagtataguyod ng mga programa at pagsusulong ng mga polisiya na makatutulong na pagbutihin ang working conditions ng local industry film workers at mas lalong mapayabong ang industriya.
Kabilang sa kanyang mahahalagang naisagawa sa kanyang kasalukuyang termino ay ang DoLE-FDCP JMC o ang guidelines para sa working conditions ng film at audiovisual film workers, Film Workers Summit, Film Industry Conference, Pista ng Pelikulang Pilipino, Philippine Film Industry Month, Full Circle Lab Philippines, talent at production development programs, at co-production incentives.
Bago ang reappointment nasabi ni Liza sa isang interbyu na, “If I will be given the chance to continue, I would love to continue. Only because I believe that there is much to be done.
“Iba rin ’yung fulfillment na nabigay sa akin ng pagiging head ng FDCP. So, I would love to stay. Pero kung anuman, whether I stay o talagang this is the end of my term, I will accept it wholeheartedly.
“Siyempre happy ako. Ang sarap ng feeling na parang na-appreciate ‘yung ginagawa mo. And it’s not just me kasi collective effort ito lalo na sa team namin na ‘yung commitment nandoon, ‘yung passion nandoon,” sambit pa ni Dino.