ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGLABAS ng saloobin niya ang aktor na si Franco Miguel hinggil sa kandidatura ng kaibigang si senator Manny Pacquiao.
Ayon sa aktor, hindi niya kayang ipagpalit ang pagkakaibigan nila ng Pambansang Kamao, dahil lang sa politika.
Esplika ni Franco, “Ang dami kasing bumatikos sa akin sa paglantad ko ng suporta kay Pacman o kay Senator Manny Pacquiao sa kandidatura niya bilang pangulo ng ating bansa.
“Yes aaminin ko, may kumausap sa akin sa side nang maka-BBM at aminado akong napa-oo ako. Pero tuwing tatawag sila para sumama ako sa caravan ay hindi talaga ako nakapunta sa dahilan na ang puso ko talaga ay para kay Sen. Manny Pacquaio.”
Pagpapatuloy na pahayag pa niya, “Napakatagal ko na kasi siyang kaibigan at barkada. Sobrang malapit kami sa isa’t isa, kaya noong nagtawagan kami at nasa Pangasinan siya para mag-caravan at pinapunta niya ako, walang dalawang isip at isang salita ay sinamahan ko na siya from Pangasinan to Nueva Ecija to Manila at sa lahat nang lakad niya.
“Sabi nga niya sa akin na, ‘Franco may kasabihan tayo… dito mo talaga makikita ang isang tunay na kaibigan o kabarkada, if nasa tabi mo at dadamayan ka sa lahat na walang anomang kapalit’.
“So, bilang kaibigan at kabarkada niya ay hinding-hindi ko siya iiwanan sa laban niya ngayon, hanggang sa dulo tito, manalo man siya o matalo.
“Kung sakaling iwan man siya nang lahat at talikuran, nandito ako para samahan siya sa lahat nang kanyang laban,” sambit pa ni Franco.
Sa ngayon, pinagsasabay ni Franco ang kanyang business bilang contractor at ang pagiging actor na aminado siyang kanyang passion at first love talaga.
Kabilang sa pelikulang aabangan sa kanya ang Balangiga 1901 na mula sa JF Film Production ni Ms. Jarrimine Fortuna at sa pamamahala ni Direk Danny Marquez. Tampok sa Balangiga 1901 sina Ejay Falcon, Jason Abalos, Richard Quan, Mark Neumann, Lala Vinzon, Emilio Garcia, Jao Mapa, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Jervy delos Reyes, Nicole Dulalia, at iba pa.