SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
HINDI itinago ni Vivian Velez na nalulungkot siya dahil walang pambato ang Pilipinas sa 2022 Oscars ngayong Marso para sa Best International Feature Film.
Sa pakikipanayam ng ilang entertainment press kay Vivian sa launching ng Isang Pilipinas movement, na dinaluhan ng mga supporter ni presidential bet Isko Moreno na sina Edith Fider at Daddy Wowie Roxas para ihayag ang pagsuporta nila sa binuong coalition, inamin nito ang pagkadesmaya na hindi na naman makapagpapadala ng pambato ang ‘Pinas.
Kuwento ni Vivian, inilapit na niya kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Liza Dino-Seguerra ito dahil walang pera ang kanyang ahensiyang pinamamahalaan. Wala silang pera dahil hindi pa naibibigay ng MMDA ang kanilang share bilang isa sa benepisyaryo ng ahensiya.
Kaya nga nasabi ni Vivian na dapat ibigay sa taga-industriya ang pamamahala ng Metro Manila Film Festival(MMFF) at alisin sa Metro Manila Development Authority (MMDA) para mas maging maayos ang pamamahala rito.