HUMANDA sa umaatikabong aksyon at walang katapusang katatawanan sa pagbabalik sa big screen ng Killer Duo nina Ryan Reynolds at Samuel L. Jackson na sasamahan pa ni Salma Hayek.
Ngayong March, inihahandog ng VIVA International Pictures at MVP Entertainment ang The Hitman’s Wife’s Bodyguard, sequel ng 2017 breakout hit ng pelikulang, The Hitman’s Bodyguard.”
Apat na taon makalipas ang mga pangyayari sa unang pelikula, magkikitang muli ang unlicensed bodyguard na si Michael Bryce (Ryan Reynolds) at ang Hitman na si Darius Kincaid (Samuel L. Jackson) upang magsimula sa isang bagong misyon na iligtas ang asawa ni Darius na si Sonia (Salma Hayek) sa mga bagong panganib. Habang abala sila na manatiling buhay sa gitna ng mga panganib, malalaman nila na sila lang ang tanging pag-asa upang mapigilan ang masamang balak sa Europa ng isang mapaghiganting pilantropo (Antonio Banderas). Sasali rin sa kasiyahan at kaguluhan ang batikang aktor na si Morgan Freeman para sa isang surprise role.
Ayon sa direktor na si Patrick Hughes, nasa proseso pa lang ng editing ng The Hitman’s Bodyguard, naisip na niya ang konsepto para sa sequel. Napamahal na siya sa mga karakter, kaya naman naisip niya kung ano na ang pwedeng mangyari sa kanila pagkatapos ng unang pelikula, at dahil dito ay nagawa niya ang sequel movie.
Kilala si Patrick sa kanyang mga action film gaya ng Red Hill at The Expendables 3. Ang The Hitman’s Bodyguard at The Hitman’s Wife’s Bodyguard ang kanyang mga unang action-comedy film.
Ayon kay Patrick, nasa action-comedy film ang kanyang dalawang hilig sa pelikula: ang makatrabaho ang magagaling na mga aktor, at ang magpasabog ng mga bagay.
Panoorin ang makapigil-hiningang aksyon at katatawanan na hatid ng Killer Threesome ngayong March 9, 2022. Mapapanood sa lahat ng sinehan.