SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KAMAG-ANAK pala ni nasirang Manila Mayor Alfredo Lim ang tumatakbong independent senatorial candidate na si Ariel Lim. Kapatid siya ng magaling na singer at sikat na sikat sa Japan na si Marlene dela Pena.
Tinaguriang Mr Transport si Lim dahil nag-umpisa siya bilang isang tricycle driver, na naging national leader at opisyal ng gobyerno na nakikipaglaban sa iba’t ibang uri ng ka-transport niya. Kumbaga, siya ang hero ng mga mananakay at ng mga driver.
Ang pagtakbo ni Lim ay suportado ni Mrs Universe Australia 2022 na si Chriz Zie na kasama niya nang humarap sa entertainment press noong Linggo sa Music Box. At siyempre suportado rin siya ng kanyang kapatid na si Marilyn at ng iba pang mga transport group sa buong bansa. Hindi nga lamang makauwi pa ng Pilipinas agad si Marilyn dahil may pandemya pa.
Aminado si Lim na malaking challenge ang pagtakbo niya sa senado. “Naniniwala ako na ang boboto ay hindi ang pera kundi ang tao. ‘Yun ang challenges sa amin kung paano maipararating sa hanay ng mga kasamahang driver, mananakay, sa lahat, na tumatakbo tayo kahit wala kaming pera.
“Gusto ko po kasing baguhin ang sistema ng politika. Nangyari po sa atin na ang pera ang umiiral ngayon. Na para manalo ka eh, kailangan may pera ka. Talagang totoo na kailangan natin ng pera pero hindi po na dapat maging dahilan na ang pera ang gagamitin natin para tayo manalo dahil kung hindi po, hindi matitigil ang korapsiyon sa Pilipinas.”
At kung mananalo si Lim, sinabi nitong, “Kung wala akong ganoong kalaking pera I’m very proud na pwede kong mabago ang politika sa Pilipinas. Kaya ako bilang isang tricycle driver ay lumaban ako kahit wala akong pera dahil marami ang nagtutulong-tulong na tricycle driver at simpleng mga tao na inilalagay sa bond paper ang pangalan ko para lang mai-endorse ako.
“At kung destiny ko at sa tulong ng Diyos na mananalo ako, mangyayari po iyon.”
Ipinagmamalaki rin ni Ariel na sa 35 years ng kanyang career bilang opisyal ng gobyerno at lider, walang isang taong makapagsasabi na siya ay korakot o nanghingi ng kapalit sa lahat ng mga naitulong niya. “Sabi ko nga kung may makapagsasabi na kurakot ako, ako po ay magbibitiw na at hindi na po ako magpapakita dahil ang advocacy ko ay iyon dahil hindi po pera ang tutulong sa atin kundi tayo. Tayo-tayo ang magtutulungan.”
Samantala, naikuwento ni Lim na nagkausap sila ni Boss Vic del Rosario para isapelikula ang kanyang buhay. “Pinlano na po ni Boss Vic na isapelikula ang buhay ko dahil tiyak po na maraming driver, tricycle driver, jeepney driver, taxi driver ang manonood. Hindi lamang ito natuloy agad dahil nagkaroon ng pandemic.
“Kung ako ang tatanungin ninyo ang gusto kong gumanap na isang Ariel Lim sa pelikula, siguro ang nakikita kong puwede talaga sa pagkatao ko na isang matapang pero malambot ang puso, palagay ko po ang tumatakbo ring senador si Robin Padilla.”
Hindi lamang naituloy ang paggawa ng pelikula ng kanyang buhay dahil nga sa pandemic. Pero nangako naman daw ang Viva na itutuloy ito kapag naging okey na ang lahat-lahat.
“And siguro kung talagang papalarin ako (maging senador) ipipilit ko kasi iyon ang maipagmamalaki ko na ang isang driver ay napunta sa posisyon na iyan dahil sa pagsisikap na ipaglaban ang karapatan ng mga driver,” giit pa ng no. 41 sa balota na si Lim.
At nang tanungin kung sinong leading lady ang napipisil niya, sagot ng senatorial bet, “Marami po eh, maraming leading ladies, kung sino po gusto ninyo pwede po.”