SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
DALAWANG teleserye ng ABS-CBN ang umaarangkada sa iba’t ibang bahagi ng Latin America, ang Kadenang Ginto at A Love to Last na naka-dubbed sa Spanish.
Palabas na ngayon sa Ecuador ang hit afternoon serye na Kadenang Ginto o La Heredera nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Dimples Romana, Beauty Gonzalez, Albert Martinez, Adrian Alandy, Kyle Echarri, at Seth Fedelin na mapapanood sa free-TV network nitong Ecuavisa simula pa noong Disyembre.
Namamayagpag din ang A Love To Last o kilala bilang Un Amor Duradero na ipinalalabas sa Panamericana TVpati sa pay-TV 24/7 telenovela channel na Pasiones TV noong isang taon.
Bida rito sina Ian Veneracion, Bea Alonzo, Iza Calzado, Julia Barretto, JK Labajo, Enchong Dee, Hannah Lopez, at Ronnie Alonte.
Maliban sa mga programang ito, una na ring namayagpag sa Latin America ang 2015 remake ng Pangako Sa’Yo,nina Yna (Kathryn Bernardo) at Angelo (Daniel Padilla), sa mga bansang Peru, Colombia, Ecuador, at Dominican Republic. Nakatanggap din ng nominasyon si Jodi Sta. Maria sa 2016 International Emmy Awards para sa pagganap niya rito.
Simula noong mag-distribute ang ABS-CBN ng mga programa nito sa Latin America, mahigit 2,000 hours ng content nito ang naibenta sa rehiyon. Maliban pa rito, may scripted format deal din ang ABS-CBN sa Mexico para sa teleserye nitong Pangako Sa ‘Yo.
Patuloy din ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga programa nito sa iba pang bahagi ng mundo, tulad ng pagpapalabas ng Bagong Umaga sa 41 na bansa sa Africa at ang pag-ere ng La Vida Lena at Huwag Kang Mangamba sa Myanmar.