NADAKIP ng pulisya nitong Sabado ng gabi, 5 Marso, ang asawa ng isang hinihinalang lider ng Abu Sayyaf nang makuha ng mga awtoridad sa kanilang tirahan ang mga sangkap para sa pagbuo ng bomba, sa bayan ng Jolo, lalawigan ng Sulu.
Kinilala ang suspek na si Nursita Mahalli Malud, pinaniniwalaang isang finance courier para sa teroristang grupo.
Isinilbi ang search warrant ng mga elemento ng 7th Special Action Battalion ng Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Field Unit 9 sa tirahan ni Malud sa Brgy. Tulay, dakong 8:30 pm kamakalawa.
Sa incident report na ipinasa ni P/Maj. William Maisog, CIDG 9 provincial officer, ikinasa ang operasyon laban kay Malud sa bisa ng search warrant na inisyu ng Patikul Regional Trial Court dahil sa hinihinalang ilegal na pag-iingat ng mga pampasabog.
Ayon sa pulisya, si Malud ay pangalawang asawa ni Abu Sayyaf sub-leader Mundi Sawadjaan, at responsable sa pagpapahatid ng pondo para sa gastusin ng kaniyang asawa at ng grupo.
Dagdag ng pulisya, si Malud rin ang naghahanap ng mga kagamitang medikal at sangkap sa paggawa ng bomba para sa grupo ni Sawadjaan.
Narekober ng mga awtoridad mga spare parts ng bomba kabilang ang isang cartridge ng 81-mm mortar, detonating cord, blasting cap, stranded wires na nakakabit sa blasting cap, 9-volt battery na may snap connector, lalagyang may arming switch; at ilang personal na kagamitan gaya ng mga cellphone, SD cards, at notebook na may nakalagay na mga impormasyon, at mga resibo ng mga money remittance center.
Pansamantalang nakapiit ang suspek sa Jolo Municipal Police Station habang ang mga nasamsam na ebidensiya ay inilagak sa kustodiya ng CIDG.