NAILIGTAS ang dalawang mangingisdang namataang palutang-lutang sa karagatanng bahagi ng Brgy. Nalvo, sa bayan ng Sta. Maria, lalawigan ng Ilocos Sur, nitong Linggo ng umaga, 6 Marso.
Nakita at nasagip ang dalawang mangingisda ng kapwa mga mangingisdang residente sa naturang barangay.
Kuwento ng isa sa anim na mga mangingisdang sumagip, may nagwagayway ng damit sa kanilang direksiyon at nang kanilang lapitan ay nakita nilang palutang-lutang ang dalawa kasama ang sira nilang bangka.
Nabatid, mula pa sa Bolinao, Pangasinan ang dalawa at nabangga umano ang bangka nila ng isang barko noong Biyernes, 4 Marso, at dalawang gabi nang palutang-lutang sa dagat.
“Ang kuwento nila, ala-una y media ng madaling araw, dahil pagod sila sa pangingisda, nakatulog sila sa kanilang bangka at nang magising sila ay barko na ang nasa kanilang harapan,” ani Servanio.
Agad dinala ang mga mangingisda sa pagamutan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Naipagbigay alam na sa kanilang mga pamilya ang nangyari sa dalawa.