SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
PINABORAN ni Edu Manzano ang posisyon ni presidential aspirant Ping Lacson na hindi tamang bigyan ng kodigo o advance questions ang mga sasali sa debate.
Matapos magkomento ng aktor sa kanyang Twitter account tungkol sa presidential debate ng CNN, ngayon naman ay single word lang pero ‘ika nga eh sapat na ang pagsang-ayon niya sa posisyon ng Presidential bet na si Ping kontra sa kodigo.
Ani Edu, “Tama!,” na may exclamation point na komento ni Edu tungkol sa isang nag-post ng “quote card” sa posisyon ni Ping kontra sa kodigo debate.
Nakasaad sa qoute ni Ping na “Ayaw ko! Isang malutong at may bagsak na ayaw ko! Para kang nagbigay ng leakage. Parang lokohan lang. Dapat nag-aral sila at walang advanced questions.”
Tama naman kasi na kaya mayroong debate eh para malaman ng mga tao ang kahandaan ng mga kumakandidato sa pagharap sa mga isyu at ano ang mga plano nila sakaling manalo. Kung hindi nila alam ang sagot o wala siyang maisagot, ibig sabihin eh hindi sila handa o wala talaga silang nakahandang plataporma, kundi puro porma lang.
Sa nakaraang debate ng CNN, napansin ni Edu na sina Lacson at Leni Robredo ang pinaka-mayroong kongkretong programa para mamuno sa bansa.
“Why aren’t we talking about Ping Lacson and Leni Robredo? They had the concrete programs and priorities last night. BBM wasn’t even there!” sabi ni Edu sa kanyang post kamakailan.
Sa mga nagtataka kung bakit mahilig din sa politics si Edu, dati na siyang local politician, at naging senatorial at vice presidential candidate din noon. Kaya hindi lang siya pang-artista, pang-politika rin.