“NO pending criminal and administrative cases.”
Iyan ang ipingangalandakan ni Quezon Province 2nd District representative David “Jayjay” Suarez sa ipinatawag na press conference sa House of Representatives nitong 21 Pebrero 2022, kung saan ipinagyayabang ang isang clearance certificate mula umano sa Office of the Ombudsman.
Batay sa dokumento, walang nakabinbing kaso, kriminal o administratibo, ang nasabing kongresista batay umano sa record ng Office of the Ombudsman hanggang noong 10 Disyembre 2021.
Ngunit batay sa pagsisiyasat ng ilang grupo ng residente sa lalawigan, apat na iba’t ibang kaso ang kasalukuyang nakahain at kinahaharap ng mambabatas sa Office of the Ombudsman.
Tinukoy dito ang mga kasong Fidel P. Verdad, Jr., vs. David Suarez (29 Hunyo 2020); Diego Magpantay, National President Citizen’s Crime Watch Association, Inc. (CCW) vs. David Suarez, et. Al. (4 Nobyembre 2020); Leonito T. Batugon, Antonio Almoneda, Marife A. Benusa at Mauro G. Forneste vs. David C. Suarez, et. al. (14 Disyembre 2020); at Vicente J. Alcala vs. David Suarez (17 Mayo 2021).
Ayon sa mag residente, malaking palaisipan kung saan kinuha ng nasabing mambabatas ang ipinangangalandakang clearance certificate mula sa Office of the Ombudsman dahil hanggang sa kasalukuyan ay walang dokumentong nagsasabing na-dismiss ang mga nabanggit na kaso.
Maugong ang balitang ‘peke’ umano ang sertipikong nabanggit, at hayagang nagsinungaling sa kaniyang isinumiteng certificate of candidacy (COC) para sa muling pagtakbo bilang mambabatas ng ikalawang distrito ng lalawigan ng Quezon.
Kapag napatunayan ang kanyang pagsisinungaling, maaaring maharap sa kasong ‘perjury’ dahil sa ‘material misrepresentation’ nito sa isang sinumpaang dokumento.
Ang kasong perjury ay may kaparusahang maaaring humantong sa diskalipikasyon sa pagtakbo sa eleksiyon ng kahit sinong indibiduwal at habang buhay na pagbabawalang humawak ng anomang puwesto sa pamahalaan.