ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGPAHAYAG ng kagalakan si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Liza Diño dahil marami ang sumusuporta sa kanya at humihiling na siya pa rin ang i-appoint na FDCP chairperson ng susunod na pangulo ng Filipinas sa June.
Pahayag ni Chair Liza, “Happy ako siyempre, ang sarap ng feeling na parang na-appreciate iyong ginagawa mo and it’s not just me dahil kasi collective effort ito lalo na sa team namin na iyong commitment ay nandoon at iyong passion nandoon talaga.”
Aniya pa, “If I will be given the chance to continue, I would love to continue. Only because I believe that there is much to be done.
“Iba pa rin iyong fulfillment na naibigay sa akin ng pagiging head ng FDCP. So, I would love to stay. Pero kung anuman, whether I stay o talagang this is the end of my term, I will accept it wholeheartedly.”
Ibang klase ang kasipagan ni Chair Liza sa more than five years na panunungkulan niya bilang head ng FDCP. Kaya naman marami pa rin ang may gusto na sana ay maipagpatuloy pa rin niya ang pagseserbisyo bilang chairperson ng FDCP.
Alam ng mga taga-industriya kung gaano kasipag at kung gaano ka-dedicated si Chair Liza sa pagtulong sa movie industry na pati vaccination sa Covid 19 ng mga nasa industriya ay malaki ang naging papel ni Chair Liza.
Samantala, congrats kay Chair Liza sa matagumpay na pagdaraos ng 6th Film Ambassador’s Night last February 27, 2022 sa makasaysayang Manila Metropolitan Theater.
“It’s another year’s worth of victories with the best of the best Filipino films being recognized around the world, highlighting our cultural heritage in cinema over the years. As we have continued to reach altitudes on the global stage, we applaud each filmmaker who shares their talent, creativity, and passion to the world. We created this night to celebrate you,” saad ni Chair Liza.
Sa nakalipas na limang taon ng pagtitipon-tipon ng ilan sa mga pinakamaningning na bituin ng industriya ng pelikulang Filipino ay nagkaroon na ang FDCP ng kabuuang 319 Film Ambassadors at hahaba pa ang listahan sa pagdaragdag ng 77 honorees mula sa mga nagkamit ng parangal sa mga film festival at international award-giving bodies noong 2021.
Ang 77 honorees ay pinangunahan ng award-winning actor na si John Arcilla at ng pinagbibidahan niyang pelikulang On the Job: The Missing 8 bilang Camera Obscura Artistic Excellence awardees.
Si John ang kauna-unahang aktor mula sa Southeast Asia na nakapag-uwi ng prestihiyosong Volpi Cup for Best Actor ng Venice Film Festival para sa kanyang katangi-tanging pagganap sa On The Job: The Missing 8. Ang naturang pelikula naman ay tatanggap ng parangal para sa larangan ng content distribution sa iba’t ibang panig ng daigdig kasama na ang film festival circuit at digital streaming.
Ipagkakaloob naman ng FDCP ang Ilaw ng Industriya sa pinagpipitagang aktres at “original femme fatale of the Philippine cinema” na si Ms. Rosa Rosal. Ang matagumpay na producer na si Jesse Ejercito naman ang tatanggap ng Haligi ng Industriya Award.
Kabilang din sa pararangalan ng FDCP ang Whether the Weather is Fine (Kun Maupay Man It Panahon) ni Carlo Franciso Manatad para sa napakaraming pagkilala nito sa mga pinakamalalaking international film festivals —74th Locarno Film Festival in Switzerland, Guanajuato International Film Festival in Mexico, 46th Toronto International Film Festival (TIFF) in Canada, and at the 52nd International Film Festival of India.
Nagbaon din ng mga parangal mula sa mga pangunahing film fests ng Asya ang Gensan Punch ni Brillante Mendoza tulad ng 34th Tokyo International Film Festival in Japan at dalawang awards mula sa 26th Busan International Film Festival sa South Korea.