INILUNSAD ng Las Piñas City government ang “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” upang siguruhing makatatanggap ang lahat ng kanilang mamamayan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (CoVid-19).
Sinabi ni Mayor Imelda Aguilar, layunin ng “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” program na mas ilapit sa mga residente ang mga serbisyong pangkalusugan ng lungsod partikular ang pagbabakuna kontra CoVid-19 sa mga indibiduwal na natitirang hindi pa bakunado at sa mga nakatakdang tumanggap ng kanilang booster shots.
Ayon sa alkalde, may 21 vaccination teams at ang bawat grupo nito ay binubuo ng apat hanggang limang miyembro na pangungunahan mismo ni City Health Office (CHO) chief, Dra. Juliana Gonzales, na ipapakalat sa iba’t ibang barangay sa lungsod para sa pagtuturok ng CoVid-19 vaccines sa mga residente.
Inihayag ni Mayor Aguilar, ang ini-deploy na vaccination teams sa mga barangay ay mamamahagi rin ng paracetamol at vitamin C para sa ma indibiduwal na tumanggap ng kanilang bakuna kontra CoVid-19.
Nagtakda rin aniya ng 20 fixed posts sa bawat barangay sa lungsod para sa mga residente upang madali nilang mapuntahan ang bakunahan na nakahanda rin para sa booster shots ng mga nauna nang bakunado.
Bukod dito, sinabi ng alkalde, may isang team na magsasagawa ng house-to-house vaccination o pagbabahay-bahay na pagbabakuna upang maserbisyohan ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Pinaalalahanan ni Mayor Aguilar ang mga residente na may comorbidities na mas mainam magpunta sa mga itinakdang vaccination sites ng lokal na pamahhalaan upang maayos na mai-monitor ang mga pasyente.
Idinagdag niyang ang “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” program ay isasagawa sa buong buwan ng Marso.
Samantala, sinabi ni Vice Mayor April Aguilar, nais ng pamahalaang lokal ng Las Piñas na matiyak sa mga residente ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng CoVid-19 vaccines at booster shots sa pamamagitan ng “Bayanihan sa Bakunahan sa Las Piñas” program na magbibigay ng proteksiyon laban sa virus.
Ipinaliwanag ng bise-alkalde na isinailalim sa Alert Level 1 ang National Capital Region (NCR) kaya ang lahat ng mga aktibidad ay nasa 100 porsiyentong kapasidad kalakip ang proteksiyon sa kalusugan sa pamamagitan ng pagbabakuna laban sa virus para sa mga residente ng lungsod. (EJ DREW)