SAMANTALA, inilinaw ng kampo ni Quezon Councilor Arkie Yulde na hindi siya dapat nakulong ng limang buwan dahil wala itong nagawang kasalanan o nilabag na batas.
Ayon sa abogado ni Yulde na si Atty. Freddie Villamor, nakalaya si Yulde nang ma-dismiss ang tatlong kasong isinampa sa konsehal.
“Hindi ko alam kung paano ko makakamit ang katarungan. Ako po ay kumapit na lamang sa panalangin sa Diyos na sana po igiya niya ko papunta po sa kalayaan at makamtan ang hustisya,” pagbabahagi ni Yulde noong Martes.
Sinabi rin ni Yulde, hindi matatawaran ang ginawang paninira sa kanilang pamilya.
“Ang ikinamatay po ng tatay ko ay atake sa puso habang nag-iisip kung paano po kami makabubuwelta sa paninira pong ginawa sa akin, sa pangalan po ng aking pamilya,” sinabi ni Yulde.
Si Yulde, isang kritiko ng isang politiko sa Quezon, ay ipinadala sa kulungan batay sa isang kaso ng panggagahasa at kidnapping na ginawa ng grupo ni Aquino na dati rin nilang sinisiraan ang kanyang pangalan at reputasyon sa media, na naging sanhi ng biglaang pagkamatay ng kanyang mga magulang.
Kamakailan, pinalaya si Yulde matapos makapagpakita ng ebidensiya si Villamor na peke rin ang mga kaso laban sa kanya, kasama ang umano’y biktima ng panggagahasa.
Binanggit ni Yulde, tagapaglingkod sa bayan ang kanyang mga kamag-anak.
“Sa akin po bilang konsehal ng bayan, ito po ang dinanas ko dahil lamang po sa paghahanap ng katotohanan, paghahanap po ng katarungan, at paghahanap ng malinis na pamahalaan dito sa ating bayan,” kuwento ng opisyal.