TARLAC STATE UNIVERSITY, TARLAC CITY – Itinaya ni Megastar Sharon Cuneta ang kanyang pangalan para sa kandidatura ng kanyang asawang si vice-presidential candidate Francis “Kiko” Pangilinan, at ni presidential aspirant Leni Robredo para sa May elections.
“Mawala na ang ningning ng bituin ko sa pelikula, manalo lang ang Leni at Kiko, sa totoo lang po dahil mas nakararaming hindi hamak ang makikinabang at aangat ang buhay,” ani Sharon sa kanyang maikling mensahe sa mga Tarlaqueño.
Binigyang-diin ni Cuneta ang malinis na track record ng Robredo-Pangilinan tandem gayondin ang kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko.
“Sana po pagbigyan ninyo ang pamumuno ni Ma’am Leni kasama po si Kiko. Pagbigyan n’yo po na magkaroon tayo ng pagkakataong makitang matupad lahat ng ipinapangako ng Pangulo at Bise Pangulo ninyo,” aniya.
“Hinding-hindi po kayo pababayaan ni [Kiko]. Papatayin ko po iyan [kapag pinabayaan niya kayo] dahil ako ang mapapahiya kasi dose [anyos] pa lang ako pinagtitiwalaan na ang salita ko. Kahit na asawa ko iyan, kung wala akong tiwala riyan, magsasakit-sakitan na lang ako sa bahay [at hindi sasama sa kampanyang ito],” ani Sharon.
“Busilak ang puso nina Ma’am Leni at Kiko. At ang katapatan at pagnanais na tulungan po kayo upang umangat ang buhay nating lahat. Wala na pong magugutom kapag naayos ang kanilang plano,” dagdag ng aktres.
Dala ng Robredo-Pangilinan ang battle cry na “sa gobyernong tapat, angat buhay lahat,” bilang pagpapatuloy ng flagship anti-poverty program ng Office of the Vice President.
Samantala, bitbit ni Pangilinan, ang slogan na “Hello, Pagkain! Goodbye Gutom!” sa pagpapatuloy ng ng kanyang adbokasiya para sa sektor ng agrikultura bilang dating food security secretary.
Para kay Sharon, ang slogan at battle cry nina Robredo-Pangilinan ay hindi mga hungkag na panrarahuyo dahil nagawa na ito ng tambalang “kakampink.”
“Hindi lang po iyan slogan dahil nangangampanya sila. Iyan po ay galing sa puso at may plano na solid – na ang problema ng mga magsasaka’t mangingisda ay sampung taon nang tinatrabaho ni Kiko bilang Senador mula 2001,” ani Sharon.
Matapos kantahan ni Sharon ng awiting Bituing Walang Ningning ang publiko, tinukoy niya ang mga magsasakang naroroon at sinabing ang sektor nila ay malapit sa kanyang puso.
“Ang paggalang at pagtingala namin sa inyo ay galing sa puso,” aniya.
Nauna rito, ang mag-asawa ay bumisita sa Gerona Market at naglunsad ng mabilis na motorcade sa lungsod, habang masayang kumakaway sa kanilang supporters.
Sa Gerona Market, inihayag ni Sharon ang kanyang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng Tarlaqueños at hinikayat na piliin ang Leni-Kiko bilang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na kanilang ihahalal sa May 9 elections.
“Twenty-five years na po kaming kasal. Kahit anong tsismis, pero kung may tsismis man, hindi totoo iyon kasi dapat iniwan ko na iyan,” nagbibirong pahayag ni Sharon na ikinatuwa naman ng publiko.
“Leni-Kiko po tayong lahat. Napakalinaw na po ng plano para po maibsan at masolusyonan ang problema ng gutom sa bansa. At si Ma’am Leni at Kiko, wala pong bahid ng kahit anong pangit na isyu sa gobyerno,” dagdag ni Sharon.