UMANI ng papuri si Cherry Pie Picache sa kanyang katapangan nang patawarin niya ang pumatay sa ina ilang taon na ang nakalipas.
Ngunit kahit na itinuturing bilang isa sa magandang halimbawa ng katapangan at radikal na pagmamahal, sinabi ni Cherry Pie na bilib siya sa katapangan ni Vice President Leni Robredo kahit inuulan ng batikos, pambabastos, at fake news ng mahigit limang taon na.
“Mayroon nga akong kilala, limang taon siniraan, binastos, winalanghiya, pero araw-araw pinili niya pa rin na gawin ang tama, iyong manindigan, mag-alaga na may pagkalinga at buong katapatan,” wika ng aktres sa isang video message.
“Kaya mas matapang sa akin si Leni Robredo. Katapangan iyong piliin ang paninindigan, iyong pagsilbihan ang mga tao kahit sinaktan, iyong ipaglaban ang katotohanan kahit na alam mong mas makapangyarihan sa iyo ang babanggain mo,” dagdag pa niya.
Para kay Cherry Pie, kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan at personal niya itong nasaksihan kay Robredo, na walang pagod na nagtatrabaho para sa taumbayan sa kanyang mga programa at plano.
“Kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan. At hindi madali iyon ha. Pero biyaya iyon para maisabuhay mo ito. Lahat iyon, nakita ko at patuloy na ipinakikita sa ating lahat ni Leni Robredo,” wika pa niya.
Tinakalay naman ng kapwa aktres na si Nikki Valdez ang “women power” sa kanyang video message sa gitna ng mga paratang na hindi kayang pamunuan ni Robredo ang bansa.
“Pero kasi hindi totoo iyan. Iba-iba ang lakas ng kababaihan. Hindi ako naniniwala na kahinaan ang pagiging babae. Kasi alam niyo kung ano ang mas matibay sa kamay na bakal, ginintuang puso at busilak na kalooban,” giit ni Nikki.
“Kaya kapag babae, lalo na kung isang mabuting ina ang mamumuno sa ating bayan, malayo ang ating mararating. Isang babaeng tapat, mahusay at hindi nagpapatinag sa anumang paninira at kasinungalingan,”dagdag pa niya.
Kung buhay lang ang kanyang ina, sigurado si Cherry Pie na isa lang ang pipiliin nilang kandidato sa pagkapangulo sa halalan sa Mayo.
“Iyong pinakamatapang na ina at lider na kilala ko. Si Leni Robredo,” giit pa ng aktres.
Bilang patunay sa mabuting pamamahala ni Robredo, natanggap ng Office of the Vice President (OVP) ang pinakamataas na audit rating ng Commission on Audit (COA) sa tatlong sunod na taon pagdating sa paggamit ng pondo ng bayan.
Kahit maliit ang budget ng OVP, nakapaghatid pa rin si Robredo ng kailangang tulong sa ating mga kababayan tuwing may kalamidad at ngayong pandemya, na inilunsad niya ang ilang programa gaya ng Bayanihan E-Konsulta, Vaccine Express, libreng COVID-19 testing, libreng sakay para sa frontliners, at mga programang pangkabuhayan at ayuda sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya