RATED R
Rommel Gonzales
ISA sa promising talents ngayon ng Sparkle GMA Artist Center si Saviour Ramos, anak ng former Bubble Gang star na si Wendell Ramos.
Pinasok na rin ni Saviour ang mundo ng showbusiness nang pumirma ito ng kontrata sa Sparkle noong September 2021, sa grand Signed for Stardom event.
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com sa Kapuso heartthrob, sinagot niya ang tanong kung pumayag ba agad ang Daddy Wendell niya nang sabihin niyang mag-aartista rin siya.
Kuwento ni Saviour, tila malamig ang reaksiyon noong una ng kanyang ama sa desisyon niya. Bakit kaya?
Paliwanag ng newbie actor, ”Feeling ko po si Papa kasi dati lagi niya sinasabi na ‘Huwag na kayo mag-showbiz, huwag na kayo mag-showbiz.’ Pero ‘yun ‘yung motivation niya. Feeling ko sinasabi niya ‘yun para makita niya kung gusto po talaga namin maging artista.
“So ‘pag gusto po namin maging artista talaga makikinig po kami sa kanya. So ganoon po ginawa niya, tine-test niya po kami na every time na may VTR po ako noon, for example dati nakuha po ako sa commercial, 12 years old ako.”
Dagdag ni Saviour, “Ayaw niya, ayaw niya po. Nagagalit siya kunwari, ‘yun pala motivation pala ‘yun. ‘Tingnan ko nga ‘tong anak ko, kung gusto talaga pumasok sa industriya.”
Nang mapatunayan niya na determinado na siya maging artista, doon na nagsimulang ibinahagi ni Wendell ang payo at paalala nito sa papasuking mundo.
Pagbabalik-tanaw ng Sparkle hottie, “So ayun po noong nakita niya gusto ko po talaga, ayun na, nandoon na po ‘yung mga turo niya po talaga sa amin na magkapatid na matagal niya po yatang iniipon.”
Kahit anak ng isang kilalang showbiz personality, hindi naiisip ni Saviour na may advantage siya sa iba niyang kasabayan sa GMA-7.
Kaya naman pursigido ito na tutukan at hasain ang kanyang talent sa tulong ng mga workshop ng Sparkle.
Ano-ano kaya ang nakikita niyang puwede i-improve sa sarili this 2022?
Pag-amin ni Saviour, “Being an actor po kailangan mo po i-improve lahat every day, challenge po ‘yan every day. Pero, specifically ang pinakagusto ko po talaga is drama.
“And gusto ko rin i-improve pa ‘yung singing skills ko, kasi I write songs din po and gumagawa ako ng songs mismo.”