ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Lovely Rivero ang kagalakan sa ginampanang papel sa episode ng Magpakailanman na mapapanood na ngayong February 12.
Ito ay pinamagatang Asido Sa Kamay Ng Asawa at tampok din dito sina Martin del Rosario at Max Collins.
Pahayag ng magandang aktres, “Masayang-masaya ako sa ginampanan kong role na ito, dahil very challenging bilang nanay. Makikita rito na talagang nakikipaglaban siya sa kanyang son in law (Martin), sa ngalan ng kanyang anak.
“Dito ay makikita iyong dynamics kung paano ang pagmamahal talaga ng ina, kumbaga, makikita na iba talaga kapag ang anak ang nasaktan, makikipaglaban talaga ang nanay.”
Pagpapatuloy pa ni Ms. Lovely, “Masaya rin ako dahil kasama ko rito si Martin del Rosario and of course si Max Collins na medyo madalas kong nagiging anak sa mga TV guestings. Parang in a way, sanay na sanay na rin kaming dalawa as magnanay, kaya mas madali ang trabaho, mas maganda… kasi kahit paano I feel na may rapport na talaga kami as magnanay
“Of course si Martin naman, I really admire him as an actor, ang galing ng mata niya, very expressive. So, I’m in the company of really good actors, kaya naging napakadali ng trabaho at masaya.”
Nagbigay pa nang kaunting patikim ang aktres sa kanilang kaabang-abang na episode sa Magpakailanman.
Aniya, “Basically ang story nito ay tungkol sa isang tricycle driver na nanligaw sa anak ko, played by Max Collins, si Jasmine siya roon. So, yung tricycle driver will be played by Martin del Rosario. Si, Brando naman siya roon…
“Although napag-aral ko nang maayos at napa-graduate ko yung anak ko, pinili niya na i-entertain itong tricycle driver. Siyempre sa mata ng ina, she wanted more for her daughter. Hindi lang dahil tricyle driver siya, but dahil may pakiramdam siya na hindi magiging maayos na boyfriend o asawa yung guy para sa anak niya,” sambit pa ni Lovely.
Huwag palampasin ang brand new episode sa #MPK na pinamagatang Asido Sa Kamay Ng Asawa, ngayong Sabado, 8PM sa GMA-7.