PABONGGAHAN
ni Glen P. Sibonga
INAMIN ni Angeline Quinto sa kanyang vlog na ngayong buntis siya ay hinahanap niyang kainin ang balut at penoy. At wala siyang pinipiling oras para kainin ang mga ito.
“Walang oras ‘yung bigla-bigla kong maiisip na gusto ko ng penoy at saka balut. Gusto ko sa penoy ‘yung medyo basa. Tapos maraming-maraming suka at saka balut. Eh kadalasan ng ganyan, ‘di ba, kinakain natin iyan hapon o ‘pag gabi. So sa akin, walang oras. Minsan parang after ng tanghalian, gusto kong maghanap ng balut,” rebelasyon ni Angeline.
Inihayag niya rin na mahirap pala talagang magbuntis lalo na pagdating sa posisyon sa pagtulog. Madalas nga siyang makaramdam ng back pains dahil dito.
“Parang hindi ko na alam kung ano ‘yung magiging posisyon, patagilid ba? Kasi hirap ako sa diretso. Bawal naman akong dumapa. Ang sakit-sakit niyong sa kaliwang balakang. Ang sakit, sobrang sakit,” aniya.
Iniisip na lang niya na sakripisyo ito para sa kanyang baby, na blessing kung ituring niya.