SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Dingdong Dantes sa Office of the President at kay Vice President Leni Robredo sa ibinigay nilang COVID-19 Care Package matapos mahawa ng virus ang kanyang pamilya at iba pang mga kasama sa bahay dahil malaki ang naitulong ng mga ito sa kanilang paggaling.
“Isa rin sa mga mahalagang natanggap namin ay iyong COVID Care Package ng Office of the Vice President,”ani Dingdong sa isang Facebook video message sa huling araw ng kanyang quarantine.
“Napakalaking bagay niyon dahil naglalaman ng kompletong mga gamit na kinakailangan ng isang COVID positive patient. Halimbawa iyong oximeter. Siyempre noong time na iyon, nawawala iyong oximeter namin,” sambit pa ng aktor.
Dahil sa care package, hindi na kinailangan pa ni Dingdong na lumabas ng bahay at bumili ng kanilang mga kailangan sa botika.
“Maraming-maraming salamat sa OVP at siyempre kay VP Leni sa COVID Care Package na ipinadala ninyo. Very, very helpful,” aniya.
Pinayuhan din ng aktor ang mga Filipino na mag-isolate agad kapag nakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19.
Sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa Omicron variant, nagbigay si Robredo sa mga Filipino ng libreng testing, telemedicine, at COVID-19 kits.
Nang humagupit ang Typhoon Odette sa ilang bahagi ng bansa kamakailan, si Robredo ang unang personal na bumisita at nagbigay ng relief goods at iba ang tulong sa mga lugar na naapektuhan. Nagsimula rin siya ng donation drive para sa mga apektadong residente at nangakong tutulong sa pagsasaayos ng nasirang mga lugar.