Sunday , December 22 2024
PROMDI ni Fernan AngelesI
PROMDI ni Fernan Angeles

Payo kay Kap: ‘Wag masyadong hapit, baka ka sumabit!

PROMDI
ni Fernan Angeles

HINDI pa man nalulusutan ang kanyang problema sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng hindi maipaliwanag na paggamit ng pondo sa loob ng maraming taon, muli na namang sumabit sa isa pang bulilyaso ang suking Kapitan ng isang barangay sa bayan ng Taytay.

Sa isang pahinang liham na natanggap ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ikinanta ng mga kaalyadong kagawad ni Kapitan Allan de Leon ang umano’y sukdulang awtoritaryanismo ng bruskong opisyal ng kanilang pamayanan.

Pag-amin ni Kagawad Diego Samson, naipasa ang P104 milyong 2022 budget ng Barangay Dolores nang walang nagaganap na sesyon, bagay na aniya’y mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng mga probisyong kalakip ng Local Government Code.

Susmaryosep! Kung walang sesyong naganap, paano kaya nagawa ni Kapitan na ihain sa Sangguniang Bayan ang P104-milyong halaga ng 2022 barangay operating budget at mga supplemental ordinances ng pinakamayamang barangay sa Taytay?

Ang siste, kung hindi pa kumanta ang mga kagawad, hindi pa mabubuko ang bulilyaso. Ang ordinansang budget ng barangay – binalangkas, inihain at inaprobahan ba niyang mag-isa? Kung gano’n, ano pa ang silbi ng mga kagawad?

Sa walong kagawad (kasama ang Sangguniang Kabataan chairman) ng Barangay Dolores, lima ang lumagda sa liham kay Secretary Año. Ang siste, pawang kaalyado ni De Leon ang mga lumagda na wari ko’y naghuhumiyaw ng – Tama na, sobra na!

Ang higit na nakababahala ay ang nalalapit na halalan sa posisyon ng pagiging alkalde ng Taytay. Bakit kamo? Isa siyang kandidato!

Posible kayang magamit ang P104 milyon sa ambisyong maging alkalde ng Taytay? Hindi naman siguro, lalo pa’t batid niyang malaking dagok sa kanyang puntiryang posisyon ang anumang ikasisira niya sa mata ng publiko.

Ang totoo, hindi na bago sa mga kolumnista ang pangalan ni Kapitan Allan de Leon na una nang isinangkot sa umano’y pagbebenta ng lupa ng pamilya gamit ang mga pinekeng lagda sa dokumento ng mga kapatid ng kanyang yumaong ama.

Maging ang COA, sumuko sa pagmamatigas ni Kap sa mga kuwestiyonableng transaksiyon, hindi maipaliwanag na kinapuntahan ng pondo at paratang ng mismong mga empleyado ng bulwagang nagsilbi niyang tanggapan mula nang mahalal sa puwesto bilang kapitan ng Barangay Dolores.

Ang tanong — hanggang kailan magsasawalang-imik ang DILG? Ano na ang nangyari sa matapang na pahayag ni Local Government Undersecretary Martin Diño na paulit-ulit nagbabalang kakastigohin ang sinomang kapitan na masasangkot sa bulilyaso?

About Fernan Angeles

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …