MULA sa Batangas Forum for Good Governance and Development Association, Inc. (BF), sa tulong ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), inilunsad ang isang serye ng online workshop na tumatalakay sa mga batayang kaalaman sa paggawa ng pelikula sa pamamagitan ng FDCP Film Talks @ Doon Po Sa Amin Pride Campaign na gaganapin sa lahat ng Sabado ng Enero ngayong taon.
Ang creative videography workshop series ay naglalayong hikayatin ang paglikha ng nararapat na content material na magtatanghal sa kultura at pamanang yaman ng Batangas na nagsimula noong Enero 8 at dinaluhan ng nasa 120 na mga kalahok sa una nitong sesyon sa visual storytelling. Karamihan sa mga ito ay mga kabataang nasa edad 18 hanggang 30 taon.
Sa pagtatapos ng workshop na may apat na bahagi ay inaanyayahan ng Batangas Forum ang mga kalahok na lumikha ng maikling video productions na kinunan mula sa kanilang mga mobile devices para sa Festival of Short Videos na gaganapin din sa taong ito. Ang festival na ito ay isang pangunahing bahagi ng Doon Po Sa Amin Pride Campaign ng Batangas Forum na naglalayong gisingin ang diwang pagmamalaki ng mga Batangueño sa pamamagitan ng paglikha at pagpapalabas ng mga maikling produksyong pampelikula na nagpapamalas ng mga kakaiba at katangi-tanging aspekto ng kultura at pamanang yaman ng probinsiya.
“The Batangas Forum’s Doon Po Sa Amin Pride Campaign was designed to uplift the morale of the Batangueños and send a message of positivity in the midst of these difficult times of the pandemic.” lahad ni BF President Mauro Barrada.
Ang pride campaign na ito ay nagmula sa malikhaing isip ng Batangas Forum member na si Direk Leo Martinez, isang beteranong aktor, filmmaker, at icon ng Batangas. Ninais nitong maging daan upang muling paigtingin ang lokal na kultura, kamalayan, at pagpapahalaga ng mga mamamayan. Ang pakikipagtulungan sa FDCP sa proyektong ito ay pagpapatibay din ng layuning makapagbukas ng mga pagkakataon sa mga kabataang kalahok na mapagyaman ang kanilang pagiging malikhain sa tulong ng mga bihasa sa industriya.
Tinipon ng FDCP Film Talks @ Doon Po Sa Amin ang ilang mga premyadong filmmaker at eksperto upang maging speaker-mentor sa iba-ibang sesyon. Ito ay sina John Carlo Pacala para sa Storytelling noong Enero 8, Zig Dulay para sa Introduction to Directing noong Enero 15, Anjanmar Rebeta para sa Basic Cinematography sa Enero 22, at si Ilsa Malsi para Basic Editing sa Enero 29.
Sa pagbubukas ng mga sesyon, ipinahayag ni Direk Leo, Chair ng Doon Po Sa Amin Pride Campaign Committeeang kanyang pagpapasalamat sa pagbibigay ng FDCP ng libreng virtual workshop para sa mga nais maging filmmaker at propesyonal sa pelikula mula sa kanilang probinsiya ng Batangas.
Ibinahagi ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño na, “This initiative of Batangas Forum matches the thrusts of our agency which include the promotion of culture and heritage through films, popularizing filmmaking in the regions, and conducting local and international cinema festivals, among many others. And we are just so delighted to work with BF to kickstart the year with this activity.”
Sa kanyang talumpati sa pasinaya ng programa, ipinaabot ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ang papuri niya sa FDCP at BF ukol sa proyektong ito at hinikayat niya ang mga kalahok na samantalahin ang pagkakataong ito na sila ay matuto sa mga aralin ng workshop na ito, para magamit ang kanilang bagong kaalaman at makapag-ambag sa pagpapayabong ng kultura at pamanang yaman ng Batangas.
Ang mga output ng creative videography workshop na magtatanghal ng mga katangiang ipinagmamalaki ng Batangas. Ang mga ito ay ipalalabas sa isang short video film festival na idaraos ng Batangas Forum ngayong taon. Maaari ring maging bahagi ang mga videong ito ng promotion materials ng mga lokal na pamahalaan ng mga bayan at lungsod ng Batangas. Sa kinalaunan, ang mga ito ay inaasahan ding magiging tala at patunay ng pamanang yaman ng Batangas para sa mga susunod na salinlahi. Para sa mga karagdagang detalye tungkol sa workshop series na ito, mag-antabay sa social media pages ng FDCP.