MAY 3,114 healthcare workers sa National Capital Region (NCR) ang nasa isolation dahil tinaman muli ng CoVid-19.
“Nagkaroon talaga ng reinfections itong (mga) health care workers natin or iyong mga breakthrough, kasi sila iyong nauuna talaga. Sila iyong first line, nasa hospital na nakapagharap ng mga CoVid-19 patients, iyong mga bagong active cases,”ayon kay Health Undersecretary Leopoldo Vega sa Laging Handa Public Briefing kahapon.
“Dito sa Metro Manila, ang aming count – kasi nagre-report naman ang Department of Health, lalong-lalo ang mga government hospitals – so mayroon kaming nakita kahapon na data na mga 3,114 ang bilang ng health care workers na naka-isolate, ito ay mga 11% ng total ng health care workers na nasa government institution na 26,000,” dagdag niya.
Sa kabila nito’y “manageable” pa rin ang sitwasyon at ang mga pagamutan ay nagpatupad ng ilang estratehiya upang matugunan ang sitwasyon.
“So, manageable pa rin, pero iyon nga, nag-strategized na rin ang ibang hospitals na magko-close ng ilang services nila like OPD, special services, at saka iyong mga elective surgeries nila, pino-postpone muna, kasi alam nila na kailangan ma-cover nila iyong deployment for the health care workers doon sa CoVid allocated areas nila,” ani Vega.
Inihahanda, aniya ang memorandum of agreement ng DOH, Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine National Police (PNP) upang magtalaga ng medical personnel ang mga nasabing ahensiya sa mga rehiyon na nangangailangan ng deployment.
Sa kasalukuyan, patakaran ng DOH ay kailangan sumailalim sa limang araw na isolation ang fully vaccinated healthcare worker na may CoVid-19.
Katuwiran ni Vega, batay ito sa mas mataas na immunity ng healthcare workers bunsod ng bakuna at behavior ng Omicron variant na two to three days incubation period lang kompara sa original Wuhan virus na lima hanggang pitong araw. (ROSE NOVENARIO)