HATAWAN
ni Ed de Leon
NALUNGKOT kami sa sitwasyon kahapon, na binabantayan ng pulisya ang lahat ng daan malapit sa simbahan ng Quiapo, para hindi makadikit man lang sa ipinasarang simbahan ang mga deboto ng Nazareno. Para bang ang palagay nila, ang sobrang kinatatakutan nilang virus ay nanggagaling sa simbahan.
Marami sa ating mga star ang deboto rin ng Nazareno, na naghapahayag ng kalungkutan sa matinding paghihigpit na ginawa sa pista. Kabilang sa mga debotong nalungkot ay ang action star na si Coco Martin, na nagsabing marami siyang biyaya na natanggap sa pamamagitan ng debosyon sa Nazareno.
Inalala rin ni Mc Coy de Leon kung paano siya matagumpay na nakasampa sa andas ng Nazareno, isa sa mga pangarap na gawin ng lahat ng mamamasan, at nakahawak siya hindi lang sa krus kundi sa kamay mismo ng imahen.
Nagsabi rin ang komedyanteng si Bayani Agbayani na sa Nazareno siya tumatawag para sa kaligtasan ng kanyang pamilya.
Ganoon din naman si Kabayang Noli de Castro, na kahit noong panahong vice president siya ng Pilipinas ay kasama ng mga karaniwang mamamasan sa Quiapo.
Ang hindi namin makalimutan ay ang kuwento ni Kuya Germs. Nanalangin siya sa Nazareno na sana magkaroon siya ng trabaho kahit na janitor lang at napasok nga siyang janitor sa Clover Theater. Nag-ambisyon daw siyang maging artista, at sa isang cenakulo sa Clover, hindi nakarating ang actor na gaganap na Kristo. Nagulat na lang siya nang iutos ni Don Jose Zara na siya ang ipalit doon. Dahil diyan, talagang taon-taon ay hindi nakalilimot si Kuya Germs sa kapistahang ng Nazareno. Ganoon din naman sa pista ng Sto.Nino sa Tondo.
Nakalulungkot na yumao si Kuya Germs, anim na taon na ang nakararaan sa bisperas ng Nazareno. Kaya nga tuwing pista naman ng Nazareno ay ipinagtitirik namin ng kandila si Kuya Germs sa simbahan ng Quiapo, pero dalawang taon na rin kaming pumapalya dahil sa pandemic. Kahapon nga, mas nakalulungkot dahil hindi man lang kami nakalapit kahit na sa saradong simbahan.
Gayunman, naniniwala kaming ano mang paghihigpit at panghaharang ang gawin sa mga deboto, mananatili pa rin ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa pagbibigay sa atin ng biyaya at lakas ng loob lalo na sa panahong ito ng pandemya.