MA at PA
ni Rommel Placente
MARAMI ang naghihikayat kay Ogie Diaz na muling subukan ang kapalaran sa politika pero laging ‘no’ ang sagot niya.
Pero hindi dahil nasaktan siya nang matalo sa unang sabak niya sa politika, na tumakbo siya bilang konsehal sa 3rd districk ng Quezon City.
Actually, ikinatuwa pa niya ang pagkatalo niya.
Sabi ni Ogie, “Hindi ko pinagsisisihan ang pagtakbo ko at natalo ako. Ako ang unang-unang natuwa noong natalo ako.
“Kasi, nakilala ko ‘yung mga tao. Alam ko na ‘yung sa ilalim, sa ibaba. Alam ko na ‘yung galawan.
“So na-enrich ‘yung aking kaalaman sa politics.
“Kaya nagpi-play na lang ako as consultant sa ibang politicians ngayon.
“Sa bawat failure, sa bawat rejection, mayroon ka dapat natututunan.
Mahirap ‘yung na-reject ka, na-fail ka, tapos inilugmok mo lang ‘yung sarili mo,” aniya.
Samantala, si Ogie na ang tumatayong manager ngayon ni Janus del Prado. Ikinuwento niya kung paanong napunta sa pangangalaga niya ang binata.
“Wala naman talagang nagma-manage na kay Janus.
“Bata pa lang si Janus, kaibigan ko na, malapit na siya sa akin.
“So noong lumapit siya sa akin, sinabi niya..nahihiya pa nga, ipinaabot pa niya sa road manager ko, na ‘baka pwede akong magpa-manage kay Ogie?’
“Why not? Talented naman ‘yung bata, ‘di ba? Hindi mo na kailangan pang turuang umarte.
“Importante kasi marunong lang umarte, lalo na kung aktor ka talaga.
“Eh, ngayon si Janus, binigyan ko ng parang isang task.
“So, active coach siya ngayon, sa Ogie Diaz Acting Workshop.
“’Yung knowledge niya sa pag-arte, naibabahagi niya sa mga estudyante,” pagbabahagi pa ni Ogie.
Walang pinapirmahang managerial contract si Ogie kay Janus.
“Kasi ako, ‘pag ayaw mo na sa akin, lumayas ka, umalis ka,” katwiran niya.
Bukod kay Janus, si Ogie na rin ang humahawak sa career nina Aiko Melendez at Enrique Gil. Na gaya ni Janus ay wala ring pinirmahang kontrata sa kanya ang mga ito.