HATAWAN
ni Ed de Leon
MUKHANG unti-unti ay natatauhan na ang management ng ABS-CBN na walang mangyayari sa kanilang efforts kung sila ay napapanood lamang sa cable at sa internet. Una hindi naman ganoon kaganda ang internet service rito sa ating bansa bukod sa mahal pa. Minsan may pinanonood ka biglang magha-hang.
Ang cable service masama rin lalo na nga iyang Sky Cable ng ABS-CBN, maya’t maya may problema. Tatawag ka sa kanila, makikipag-chat ang customer service representative na wala namang magagawa kundi sabihing “I’m sorry sir, but I made a report. You have to wait for our repairman to visit you within 24 to 48 hours, from 8 am to 6 pm”. Hindi ba maghihintay ka ng dalawang araw na para kang naka-bartolina sa bahay mo para ma-repair lang ang cable na binabayaran mo naman.
Iyong kanilang TV Patrol sikat iyan noong araw, pero ngayon para ngang hindi na napapansin dahil off the air sila at mapapanood mo lang sa cable at sa internet.
Ngayon ibabalik na nila ang TV Patrol on the air, Kaya nga lang papasok iyon sa ZOE Tv, na tinatawag nila ngayon A2Z, pero mahina ang power ng estasyon na iyan, at wala pang provincial relay kundi iisa. Hindi naman nila mailalagay iyan sa TV5, kahit na naka-blocktime rin sila roon dahil may sariling news department ang TV5.
Hindi naman papayag ang TV5 na patayin ang kanilang news program para ipasok ang TV Patrol. Kung sa TV5 sila makapapasok, sabihin mo mang mahina rin ang power ng estasyon, mas may audience sila at marami silang provincial stations.
Pero sa ngayon kailangan munang magtiis ng ABS-CBN at umasang kahit na paano ay makalulusot nga ang kanilang franchise sa susunod na administrasyon. Kung mangyayari iyon, siguro nga baka late 2023 or 2024, mapapanood na sila ulit sa free tv. Kung magkakamali na naman sila ng mga susugalang kandidato sa eleksiyon, maghihintay na naman sila ng anim na taon pa at baka sakaling makapagbukas na sila.
Masakit talaga ang nangyaring iyan sa ABS-CBN. Pero iyan ang karaniwang nangyayari kung nagkakamali ang isang “kingmaker” at nagkataon namang binangga siya ng kinalaban niya.