ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IPINAHAYAG ni Sen. Lito Lapid ang pagkabilib niya kay Direk Brillante Mendoza. Ang award-winning direktor ang namahala sa pelikula nilang Apag na tinatampukan din nina Coco Martin, Jaclyn Jose, Mark Lapid, at Gladys Reyes.
Ito ang ibinahagi ng aktor/politiko sa ginanap na thanksgiving lunch para sa media, kasama ang anak na si Tourism officer Mark Lapid at ang first nominee ng Pinuno Partylist na si Howard Guintu.
Aniya, “Okay naman ang movie naming Apag kay Direk Brillante Mendoza, baka last two shooting days pa. Parang nagsama muli roon sina Cardo (Dalisay) at Pinuno (sa Ang Probinsyano).
“Matagal ko nang gustong makatrabaho si Direk Brillante, tapos nandito pa si Coco Martin. Anak ko si Coco sa movie, parang istorya ng Pampanga ito. Iyong tungkol sa mga pagkain, parol, Senakulo… Hindi ba ang mga Kapampangan kilala sa mga pagkain? Dito makikita kung gaano kasarap magluto ang mga Kapampangan.”
Nabanggit ni Sen. Lapid ang pagkabilib niya kay Direk Brillante.
“Napakagaling niya at saka ano, ibibigay niya ang eksena at halos ikaw na ang bahala sa dialogue. Wala kayong memorize-memorize, kung ano ang lalabas sa ano mo, iyon ang gusto niya.
“Ang ganda, first na nangyari sa akin iyon, first time kong naidirek sa ganoon.”
Pahabol na esplika pa ng action star/politician, “Gustong-gusto ko talaga siyang makatrabaho. Kasi noong araw, kinukuha ko na siya, kaya lang ay hindi siya puwede.
“Ako pa ang producer, para makasama ko lang siya. Kaya nang i-offer sa akin ito, tapos rekomendado pa ako ni Coco, kaya tinanggap ko na agad.
“Sabi nila ay ilalaban din ito sa ibang filmfest sa abroad.”
Samantala, kilalang-kilala pa rin ngayon si Sen. Lito bilang ‘Pinuno’ dahil sa naging karakter niya sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco. Kaya ayon sa senador ay siya mismo ang nagbigay ng pangalang Pinuno Partylist at talagang all-out ang kanyang suporta rito dahil naniniwala siya sa magandang layunin ng grupo.
Pero nilinaw ng senador na hindi siya ang first nominee nito dahil senador pa rin siya hanggang 2025. Malaki lang talaga ang simpatya niya at paniniwala sa first nominee nitong si Howard Guintu kaya kaisa siya sa pangangampanya para sa Pinuno Partylist na no. 38 sa balota.
Pabahay para sa mga mahihirap na Pinoy all over the Philippines ang layunin ng Pinuno Partylist o Pinatatag na Ugnayan para sa mga Oportunidad sa Pabahay ng Masa).