Sunday , December 22 2024
Maginhawa FOOD PANTRY PATRENG

Sulyap: ‘Ginhawa’ sa gitna ng pandemya
FOOD PANTRY NI PATRENG NAGLUWAL NG PAG-ASA

ni ROSE NOVENARIO

NABALOT ng hamon, pighati, tagumpay, pagtutulungan at kalamidad ang taong 2021, ang ikalawang taon ng pandemyang dulot ng CoVid-19.

Narito ang ilang sulyap sa naging maiinit na isyu sa loob ng nagdaang taon.

ENERO

IPINATIGIL ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa hindi awtori-sadong pagbabakuna sa mga kagawad ng Presidential Security Group (PSG) ng smuggled CoVid-19 vaccine kasabay ng paglalabas ng gag order sa PSG para hindi dumalo sa anomang pagsisiyasat ng Kongreso

Sinibak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang deputy chief of staff for intelligence ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Maj. Gen. Alex Luna dahil sa inilabas na maling listahan na tumukoy sa ilang nagtapos sa University of the Philippines (UP) bilang mga nadakip o napatay na miyembro ng New People’s Army (NPA). Walang kapatawaran aniya ang kapalpakan ni Luna at ang inilabas na listahan ng tanggapan ng heneral ay nagdulot ng kaguluhan at pinsala sa reputasyon ng militar.

Ipinangalandakan ni Lorenzana ang nasabing listahan sa press briefing hinggil sa pagkasenla niya sa 1989 UP-DND accord, ang kasunduang nagbabawal sa mga pulis at militar na pumasok at kumilos sa loob ng mga campus ng UP.

PEBRERO

DALAWANG pulis, isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isang impormante ang napatay sa shootout bunsod ng palpak na buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) at PDEA sa Commonwealth Ave., Quezon City.

MARSO

SIYAM na aktibista ang napatay sa Bloody Sunday o ang marahas na pagsisilbi ng search warrant ng Philippine National Police-Region IV sa isinagawang raid sa Cavite, Batangas, at Rizal. Naganap ang madugong raid dalawang araw matapos utusan ni Pangulong Duterte ang pulis at militar na balewalain ang human rights sa pagtugis sa mga rebeldeng komunista

COVID-19 lockdown bubble

Upang makontrol ang paglobo ng kaso ng CoVid-19, idineklara ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Emerging Infectious Diseases ang NCR plus bubble na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal at isinailalaim sa mas mahigpit na enhanced community quarantine sa loob ng dalawang linggo, mula 22 Marso hanggang 4 Abril.

ABRIL

Maginhawa FOOD PANTRY PATRENG

KAPOS ang ayuda ng administrasyong Duterte sa mga mamamayan. Kaysa makitang tumirik ang mga mata sa gutom ng mga kababayan ay minabuti ni Ana Patricia Non o mas kilala bilang AP Non na magtayo ng community pantry sa Maginhawa St., Teacher’s Village, Quezon City.

Sa isang mesa na may nakalagay na ilang kilong bigas, mga gulay, de-lata at paskil na karton na nakasulat ang “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan” nagsimula ang community pantry ni AP Non sa Maginhawa St., noong 14 Abril 2021.

Naging viral sa social media ang inisyatiba ni AP Non kaya’t mula sa inspirasyong ito’y nagsulputang parang kabute ang community pantry sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Dumagsa ang tulong ng mga hindi nagpakilalang donor at pinilahan ng mga ordinaryong mamamayan ang community pantry na naghahangad magkaroon ng pantawid-gutom.

NAGSAGAWA ng malawakang protesta ang healthcare workers mula sa iba’t ibang pagamutan kasama ang ilang grupo na sumusuporta sa kanila sa martsang inumpisahan sa Sta. Cruz, Maynila patungo sa tanggapan ng Department of Health (DOH). Hawak ang mga plakard at ilang pampaingay, nanawagan ang health workers na agarang magbitiw si Health Secretary Francisco Duque III, sa kanyang labis na kapabayaan, walang kakayahang mamuno, hindi mabisang pagtugon sa CoVid-19 pandemic, at ‘di agarang pagbibigay ng kanilang mga benepisyo. (BONG SON)

Naglunsad ng mga kilos-protesta upang matuldukan ang miserableng sitwasyon ng medical frontliners na pangunahing lumalaban sa CoVid-19 pandemic at ipanawagan ang kagyat na pagbibigay ng kanilang mga inipit na benepisyo at mass hiring ng health workers na kakalinga sa CoVid-19 patients.

MAYO

PINAGBAWALAN ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na pag-usapan sa publiko ang isyu ng pangangamkam ng China sa West Philippine Sea (WPS) maliban kina Presidential Spokesman Harry Roque at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.

Kasama sa gag order si Defense Secretary Delfin Lorenzana na nag-utos na palayasin ang Chinese ships at maging ang National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) na regular na naglalabas ng mga kalatas at mga larawan hinggil sa pananatili ng Chinese ships sa exclusive economic zone.

Sa kabila ng hindi pagkilala ng Beijing sa 2016 arbitral ruling na nagbasura sa historical claims nito sa South China Sea, hindi gumalaw si Pangulong Duterte para ito’y igiit sa China sa nakalipas na limang taong.

Umani ng batikos ang pagtawag ni Duterte na isang pirasong papel na puwedeng itapon sa basurahan ang arbitral victory ng Filipinas kontra China.

HUNYO

PUMANAW sa edad na 61-anyos si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Sa opisyal na pahayag ng pamilya Aquino, kinompirma na hindi na nagising si Noynoy bunsod ng renal disease secondary to diabetes.

Bago nagkaroon ng pandemya ay naglabas-masok na sa ospital si Noynoy ngunit pinili niyang maging pribado ang pinagdaraanang problema sa kalusugan

HULYO

Trillanes Bong Go

ISINIWALAT ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may nakaambang kasong plunder laban kay Sen. Christopher “Bong” Go dahil nakopo ng ama at kapatid ng longtime aide ni Pangulong Duterte ang P6.6 bilyong halaga ng road widening and concreting projects.

Ipinabubusisi ni Sen. Emmanuel “Manny” Pacquiao sa Senado ang P10.4 bilyong pondo ng Special Amelioration Program (SAP) ng administrasyon partikular ang kontrata ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) sa Electronic Money Issuer (EMI) at remittance agent Starpay.

Sinabi ni Pacquiao na batay sa record, sa 1.8 milyong SAP beneficiaries ay umabot lamang sa 500,000 ang nakapag-download ng Starpay application, isang requirement para matanggap at ma-withdraw ng beneficiary ang ayuda.

Ibig sabihin aniya ay may 1.3 milyong beneficiaries ang hindi nakatanggap ng P10.4 bilyong nakalaan para sa kanila pero batay umano sa talaan ng DSWD, kompletong nabayaran ng Starpay ang lahat.

Hidilyn Diaz 2020 Tokyo Olympics
Hidilyn Diaz 2020 Tokyo Olympics

Matapos ang 97 taon, nasungkit ni weightlifter Hidilyn Diaz ang kauna-unahang medalyang ginto ng Filipinas sa ginanap na Tokyo Olympics.

Ginapi ni Diaz si World Champion Quiyin Liao ng China sa women’s 55kg weightlifting.

Nakapagtala si Diaz ng Olympic record na kabuuang 224 kg kompara sa 223 kg ni Liao.

AGOSTO

Michael Yang, Pharmally, DOH, PS-DBM,

HABANG naghihikahos ang kalagayan ng mga Pinoy at bagsak na ekonomiya dulot ng CoVid-19 pandemic, nabisto ng Commission on Audit (COA) at mga mambabatas ang mga iregularidad sa paggasta sa bilyon-bilyong pondo para tugunan ang pandemya.

Natuklasan ang kahina-hinalang pagkakaloob ng Procurement Service- Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally Pharmaceutical Corp., ng P11-B medical supplies contract mula noong 2020

Batay sa mga dokumento, ang Pharmally ay isang maliit na kompanya sa Taguig City na nabuo noong Setyembre 2019 at may kapital lamang na P625,000.

Ang kompanya ay may kaugnayan sa dating economic adviser ni Pangulong Duterte na si Michael Yang.

Imbes magalit o suportahan ang imbestigasyon ng Senado sa isyu, nagalit si Pangulong Duterte sa mga senador at ipinagtanggol ang mga sangkot sa kuwestiyonableng kontrata.

Muling isinailalim sa hard lockdown o enhanced community quarantine ang Metro Manila, 6-20 Agosto dahil sa pagtaas ng kaso ng CoVid-19 sanhi ng Delta variant.

SETYEMBRE

Duterte ICC
Duterte ICC

PORMAL nang inumpisahan ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa mga patayang naganap sa isinulong na drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag ng ICC, kinatigan ng Pre-Trial Chamber 1 ang kahilingan ni dating Prosecutor Fatou Bensouda na imbestigahan ang mga krimen “allegedly committed on the territory of the Philippines between 1 November 2011 and 16 March 2019 in the context of the so-called ‘war on drugs’ campaign.”

Ayon sa ICC, isang “specific legal element of crime against humanity of murder” ang tumugma sa konteksto ng drug war ni Duterte mula 1 Hulyo 2016, isang araw matapos manumpa bilang Pangulo si Duterte, hanggang 16 Marso 2019 o isang araw matapos pormal na kumalas ang Filipinas sa Rome Statute, ang tratado na nagtatag ng ICC.

May nakitang rason ang ICC para ilarga ang imbestigasyon kaugnay ng mga patayan sa Davao City mula 1 Nobyembre hanggang 30 Hunyo 2016 o habang alkalde ng lungsod si Duterte.

Nauna rito’y inatasan ng Korte Suprema ang administrasyong Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, taliwas sa paninindigan ng gobyerno na hindi ito bahagi ng Rome Statute

Sa desisyong iniakda ni Associate Justice Marvic Leonen, sumang-ayon ang SC na nananatili ang hurisdiksiyon ng ICC sa mga krimen na ginawa ng isang estado hanggang hindi pa opisyal at epektibo ang pag-alis.

Duterte, Face shield

Inihayag ni Pangulong Duterte na hindi na kailangan magsuot ng face shield ang mga Pinoy kapag nasa labas ng kanilang bahay maliban kung nasa lugar na sarado, siksikan at may close contact sa ibang tao.

Ang pasya ng Pangulo ay inihayag tatlong linggo matapos mabisto sa Senado na overpriced ang binili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) na daan-daang libong piraso ng face shields sa halagang P124 bawat isa mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation noong isang taon mula sa P42 bilyong pondo ng Department of Health (DOH).

Ayon sa Commission on Audit (COA) walang memorandum of agreement (MOA) ang DOH sa PS-DBM sa paglipat ng P42-B pandemic funds.

Batay sa 2020 COA report, may 485,000 expensive face shields ang nakatambak sa PS-DBM depots.

OKTUBRE

Maria Ressa, Nobel Peace Prize

IGINAWAD ang 2021 Nobel Peace Prize kay Rappler CEO Maria Ressa.

Si Ressa ang kauna-unahang Filipino na nakasungkit ng prestihiyosong Nobel Peace Prize kasabay ni Russian journalist Dmitry Muratov bilang mga mamamahayag na nanindigan para sa freedom of expression.

Naging paboritong atakehin ni Duterte ang Rappler dahil kritikal sa kanyang administrasyon.

Opisyal nang nagsimula ang election season sa paghahain ng certificate of candidacy ng mga kandidatong sasabak sa 2022 elections.

Kabilang sa main tandems sina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Doc Willie Ong, Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito Sen” Sotto III, Vice President Leni Robredo at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Sen. Manny Pacquiao at Lito Atienza, at labor leader Ka Leody de Guzman at Walden Bello.

NOBYEMBRE

BRP Sierra Madre

HINARANG at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang dalawang Philippine supply boats, magdadala sana ng pagkain at iba pang supplies sa mga sundalong nakadestino sa BRP Sierra Madre na nakadaong sa Ayungin Shoal bilang bahagi ng teritoryong pinag-aagawan ng iba’t ibang bansa kabilang ang Filipinas at China.

Pansamantalang itinigil ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa kasong crimes against humanity of murder laban kay Pangulong Duterte at iba pa niyang opisyal kaugnay sa isinulong na madugong drug war matapos umapela ang administrasyong Duterte.

Hiniling ni ICC Prosecutor Karim Khan sa gobyerno ng Filipinas na magbigay ng pruweba na gumugulong ang hustisya para sa mga napaslang na biktima ng drug war.

DISYEMBRE

CoVid-19 Vaccine booster shot

PINAIKLI ng Department of Health (DOH) ang interval ng pagbibigay ng CoVid-19 booster shots.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, alinsunod sa bagong patakaran , puwede nang iturok ang booster shots sa mga adult ng tatlong buwan matapos mabakunahan ng second dose habang ang nakatanggap ng primary single-dose vaccine ay makaraan ang dalawang buwan.

Idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang dalawang bahagi ng Anti-Terror Law.

Sa inilabas na desisyon ng Korte, una, sa botong 12-3 ay idineklarang labag sa Konstitusyon ang bahagi ng Section 4 ng batas na tumutukoy sa kung ano ba ang terorismo.

Tinanggihan ng Korte ang bahaging nagsasabi na anomang gawain na puwedeng makasakit at maglagay sa panganib sa buhay ng mga tao ay maaaring pumasok sa depenisyon ng terorismo.

Ang dahilan ng Korte, masyadong malawak at lumalabag ito sa karapatang magpahayag.

Pangalawa, sa botong 9-6, pinawalang bisa rin ng Korte ang bahagi ng Section 25 na nakapaloob ang pagtalaga sa mga tao o grupo bilang terorista.

Ayon sa Korte, unconstitutional ang paghiling ng ibang bansa na mag-designate ng terorista na puwedeng i-adopt ng Anti-Terrorism Council.

Gayonman, pinagtibay ng Korte ang kapangyarihan ng ATC na magtalaga ng terorista.

Pormal na binawi ni Pangulong Duterte ang kanyang kandidatura sa pagka-senador habang si Sen. Go ay iniatras din ang kanyang presidential bid sa halalan sa Mayo 2022.

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa anim na rehiyon sa Filipinas na napinsala ng bagyong Odette.

Ito’y ang Regions 4B (Mimaropa – Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 10 (Northern Mindanao), at 13 (Caraga).

State of Calamity

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) umabot sa 406 ang namatay, may 1,147 ang sugatan at 82 ang nawawala dulot ng super typhoon.

Tinatayang nasa P16.71 bilyon halaga ng impraestraktura at P6.68 bilyon sa agrikultura ang napinsala ni Odette.

Habang 532,000 bahay ang nawasak na nagkakahalaga ng P28.16 milyon, at 4.4 milyon katao ang naapektohan ng bagyo.

Ibinasura ng Makati Regional Trial Court ang drug case laban kay self-confessed drug dealer Kerwin Espinosa dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Sa 13-pahinang desisyon ni Judge Gina Bibat-Palamos ng Makati Regional Trial Court Branch 64, ipinagkaloob ang demurrer to evidence na inihain nina Espinosa, convicted drug lord Wu Tuan Yuan a.k.a. Peter Co, Lovely Impal, at testigong si Marcelo Adorco bunsod ng pagkabigo ng prosekusyon na may “conspiracy to commit drug trafficking.”

Si Espinosa at amang si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa ay kabilang sa tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 na drug personalities na nagpapakalat ng ilegal na droga sa Eastern Visayas.

Sumurender ang dating alkalde kay noo’y Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa at ikinulong siya sa Leyte Sub-Provincial Jail sa Baybay City.

Habang nakabilanggo ay napatay ang dating alkalde nang manlaban umano habang inihahain ang isang search warrant noong Nobyembre 2016. Si Kerwin ay dinakip sa Abu Dhabi noong Oktubre 2016.

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …