ni Tracy Cabrera
TATLONG dekada ang nakalipas, isa sa pangunahing pasyalan sa Maynila ang Manila Zoological and Botanical Garden para sa lahat na nagnanais mag-enjoy sa makikitang iba’t ibang mga hayop at gayondin ang mga feature sa zoo tulad ng boating o pamamangka sa man-made lagoon at pagpi-picnic sa park grounds.
Hanggang unti-unti nang nasira sanhi ng kawalan ng wastong pangangalaga mula sa mga nanunungkulan sa city hall at minsan ay muntikan ngang gawing isang commercial mall hanggang sa ipasara ni dating mayor Joseph “Erap” Estrada dahil itinuro itong isa sa nangunguna sa pagdudumi sa makasaysayang Manila Bay.
Noong 1991, isasailalim sana ito sa renobasyon ngunit kaunti lamang ang naging rehabilitasyon nang ibinigay sa Manila Zoo bilang donasyon ng Jungle Environment Survival Training (JEST) Zoo, sa paglisan ng United States Navy mula sa military base nito sa Subic Bay, Zambales, ang kanilang mga alagang hayop at kahit mga hawla at kulungan sa pamamagitan ng inisyatiba ni Dr. Jimmy Boston, direktor noon ng zoological garden.
Gayon man, hindi ito naging sapat sa mga sumunod na kaganapang politikal at kakulangan ng suporta na nagresulta sa mabilis na pagkasira ng number two leisure park ng mahihirap (ang Luneta Park ang number one dahil libre ito) at kalaunan ay ipinasara sanhi ng kawalan ng sewerage facility.
Noong 1990s, nangunguna pa rin ang Manila Zoo bilang pasyalan dahil sa mga hayop na matatagpuan dito. Nariyan sina Scud, ang leon na may vertigo; Peejay, ang kauna-unahang Philippine crocodile (Crocodilus mindorensis) na isinilang — o napisa —habang nasa kaptibidad; Sheeba, ang elepante at pinakamatandang residente ng zoo hanggang pumanaw ito; Peter, ang orangutan na laging gumagawa ng kabalbalan; at siyempre, si Daktari, na isinilang din dito at tanging mabangis na hayop na maaaring hawakan ng mga taong kakilala niya.
May iba pang mga hayop ngunit wala silang mga pangalan gaya ng mga dambuhalang sawa at ibang mga ahas at kawan ng mga ibon mula sa higanteng cassowary at ostrich, sa mga agila at malilinggit na loro. Mayroon pa ngang pambihirang sunbear, na ipinagkaloob ng JEST Zoo pero namatay ito sanhi ng taglay na sakit.
Ngayon, halos 30 taon na nakalipas, pinaganda na ang Manila Zoo na may botanical at butterfly garden, isang animal museum, Nakataas na mga viewing deck at iba pang mga bagong atraksiyon at ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, may kompiyansa siyang magugustuhan ito ng mga lokal at dayuhang turista.
Sa pasukan o entrada pa lang ng zoo, sasalubong na sa mga bisita ang replica ni Vishwamali o Mali, ang pamosong elepante na naging residente ng zoo simula pa noong 1977.
Ang totoo, itinatag ang Manila Zoo noong Hulyo 1959 at ang major renovation na isinagawa ngayon ay ang kauna-unahan nang binuksan ito. Kaya nga welcome talaga ang mga pagbabago para sa mga manggagawa rito, tulad ni Edsel Isidro, 55, isang animal keeper sa nakalipas na dalawang dekada.
Ginunita ni Isidro ang dating hitsura ng zoo na maraming kakulangan sa estruktura at pasilidad.
“Kung animal keeper, dapat may lugar para sa pagmo-monitor ng mga alaga mong hayop. Noon wala nito kundi nasa likuran lang ng mga kulungan, kaya hirap kang obserbahan ang loob at kondisyon ng mga hayop,” aniya.
Isa sa nga prayoridad ay bumalangkas ng plano para sa sewage treatment facility, na ngayon ay mayroon na. May isang karatula na may flowchart sa labas ng pasilidad na nagpapakita ng proseso ng waste treatment.
Inihalintulad ni Domagoso ang refurbished na 5-ektarya zoo sa ilang mga lugar na pasyalan sa Japan, o kahit sa kathang-isip na Jurassic Park. “It’s very beautiful… I assure you, even foreigners would come here,” wika ng alkalde.
Ngunit bago pa man dumalaw rito ang publiko, ang mga pamilya ng aabot sa 1,300 manggagawa ng zoo ang naging bisita sa soft opening, “as a tribute to their hard work and ingenuity in creating a facility that is ‘at par with the world’s best zoological and botanical gardens’,” dagdag ni Domagoso.
Pinupuri ang punong ehekutibo ng lungsod sa pagpapaganda ng Manila Zoo.
Ngunit may mga mungkahi na sana’y hindi nakalimutan ng alkalde na ang mga hayop na naninirahan sa mga kulungan sa loob na exposed sa matinding polusyon ng Kalakhang Maynila, at sa nalalapit na panahon ay isa-isang mangamamatay.
Marami ang umaasa na magkakaroon ng maayos na sistema ang Manila Zoo para sa pangangalaga ng mga hayop.