MA at PA
ni Rommel Placente
HINDI na tatakbo sa senatorial race ang aktor-producer na si Joed Serrano. Magwi-withdraw na siya ng kanyang kandidatura.
Ang dahilan,ikinagulat niya na P800-M ang kakailanganin niya sa kanyang kandidatura.
“Kailangan ko raw ng P800-million para sa kampanya, na sa bandang huli ang ginastos ay babawiin lang sa taumbayan ‘pag nakaupo na,” sabi ni Joed sa interview sa kanya ng Pep.ph.
Patuloy niya, ”Hindi kaya ng aking kalooban ang laro ng politika na ang mga tao ay sanay magbitaw ng mga pangako na sa huli ay napapako lamang.”
Napag-alaman din ni Joed na hindi uubra na wala siyang partido.Tumatakbo kasi siya bilang independent.
“Tumakbo ako bilang independent sa kagustuhan na walang paboran na kahit na anong partido. Pero sa huli ay isa pala ito sa requirement na hihingin.”
Umatras man sa pagtakbo bilang senador, hindi pa rin naman siya nagsasara ng pinto na pasukin muli ang politika.
“’Di man ito mangyari ngayong eleksiyon, maaari itong maganap pagdating ng panahon.
“’Ika nga, ‘timing is everything.’ Sa tamang panahon, alam ko na maaaring pasukin ko rin ang politika.
“’Di man ngayon, pero maaaring bukas makalawa o sa panahong kawayan uli ako ng mas malakas na tawag na serbisyong totoo at paglilingkod,” aniya pa.