HATAWAN
ni Ed de Leon
NANG magising si Ate Vi (Congw. Vilma Santos) noong Miyerkoles ng umaga, nagtataka siya kung bakit cancelled ang lahat ng kanyang mga scheduled activity noong araw na iyon. Noong nagtatanong na siya at saka lamang sinabi sa kanya ni Sen. Ralph Recto na kailangan siyang magpunta sa kapitolyo ng Batangas, dahil kasabay ng pagdiriwang ng ika-440 taon ng pagkakatatag ng lalawigan ng Batangas, siya ay pararangalan bilang Dangal ng Batangan, Dakilang Lingkod Bayan ng pamahalaang lokal ng Batangas.
Inamin ni Ate Vi, nalito siya. Napakalaking karangalan iyon. Ano nga ba ang isusuot niya eh hindi siya handa dahil hindi niya alam, sinorpresa nga siya sa mga bagay na iyon.
“Naisip ko simpleng work clothes na lang. Sanay naman sila sa akin sa kapitolyo na ganoon lang ang suot at wala nang oras, kailangang umiyahe sa kapitolyo at tiyak dahil sa okasyon traffic iyan. Kasabay din iyon ng anibersaryo ng koronasyon ng birhen ng Caysasay na 67 years na, tapos Immaculate Conception pa. Kinakabahan na rin nga sila at gustong ipasundo na ako dahil baka naipit kami sa traffic, pero hindi naman nakarating din ako sa tamang oras.
”Iyang award na iyan ang siya kong pinakamalaking bonus mula sa mga Batangueno. Ang suweldo ko kasi iyong 23 taong tuloy-tuloy nilang pagtitiwala sa akin. Ang totoo nanliliit ako sa title, Dangal ng Batangan, Dakilang Lingkod Bayan. Ang daming naglingkod din naman ng tapat pero hindi nabigyan ng ganyan kalaking parangal. Kaya sinabi ko nga sa mga anak ko, iyan ang iiwan ko sa inyo, at sa mga magiging apo ko. Iyong masabi naman ninyong ang nanay inyo ay naglingkod ng tapat sa bayan,” sabi ni Ate Vi.
Halatang napapaluha si Ate Vi, habang nagkukuwento, sabay sabing, ”lalo akong nabaon sa utang na loob sa mga Batangueno. Sa ngayon wala akong maipapangako kundi ang gagawin ko sa sarili kong kakayahan kung ano man ang magagawa ko para matulungan sila. Siyempre ang una at ginagawa ko naman sa araw-araw ay iyong pagdarasal sa Diyos at sa birhen, na sana’y malampasan na ng lahat itong umiiral na pandemya, at sana huwag nang puputok ang Taal” sabi pa ni Ate Vi.
“Actually mas makatutulong na ako ng personal, dahil mas malaki na ang kikitain ko ulit dahil artista na naman ako,” ang nasabi pa niya.