HATAWAN
ni Ed de Leon
DESIDIDO si Ate Vi (Congw. Vilma Santos) na magbalik na nga sa showbusiness.
Babalikan niya ang pagiging aktres na siya naman niyang kinikilalang tunay niyang propesyon, naiwan nga lang niya ng 23 years dahil pinasok niya ang serbisyo publiko. Pero ngayong palagay niya naabot na niya lahat ng magagawa bilang public servant, gusto niyang balikan ang industriyang matagal nang naghihintay sa kanya.
“Sabi nga nila, bakit kung kailan dumating ang panahon na sinasabi ng mga tao na puwede kang tumakbong presidente ng Pilipinas, o vice president, at maski si Senator Ralph ay naniniwalang maaari kang maging senador at saka ka pa umatras? Iyon nga ang dahilan eh, palagay ko naabot ko na naman lahat ang magagawa ko bilang public servant, ayoko naman niyong sobra na.
“Ang pinaka malaking dahilan kung bakit ako pumasok sa politika noon ay para makapagbayad ng utang na loob kahit paano sa mga taong sumuporta sa akin kaya ako naging Vilma Santos. Oo, sa Batangas lang ako naglingkod, pero ginawa ko iyong malinis at matapat na paglilingkod para iyong hindi ko man diretsong natulungan dahil nasa ibang bayan sila, masabi naman nila na nagbigay ako ng tamang serbisyo, at iyon ay dahil sa pagtanaw ko ng utang na loob sa mga sumuporta sa akin simula noong bata pa ako hanggang ngayon.
“Naiwan ko ang showbiz career ko ng 23 years. Pero pagbabalik ko, sinabi ko na nga tutulong naman ako sa industriya. Marami nang producers ang nawala. Ang sabi nila dahil sa bagsak nga raw, walang gustong mamuhunan. Iyon ang iniisip kong gawin. Para mas dumami ang trabaho, mag-produce ng pelikula ulit. Ginawa ko na iyan noong araw, hindi maganda ang resulta kasi napabayaan. Ang dami kong naging utang dahil diyan. Kumikita ang pelikula, walang naibabalik.
Pero dahil sa experience na iyon, alam ko na kung ano ang gagawin at siguro this time kung ako na mismo magpapatakbo ng kompanya mas ok.
“Aaminin ko, marami rin naman akong natutuhan sa management noong panahong mayor at governor ako, magagamit ko iyon ngayon kung bubuo nga ako ng production. Nariyan pa rin naman iyong mga dati kong nakasama na mapagkakatiwalaan ko. Ngayon ang plano ko, hindi lang maghanapbuhay, kundi tumulong kung paano maibabangon ang industriya. Kailangan may magsimula lang, at tiyak marami ang susunod.
Eh ‘di simulan naman natin,” ang sabi ni Ate Vi.