HATAWAN!
ni Ed de Leon
BILIB din kami sa kaibigan naming si Direk Joven Tan. Sa kabila ng hirap na gumawa ng pelikula dahil sa pandemic gumagawa pa rin siya ng pelikula. At natutuwa kami dahil ang mga pelikula niyang ginagawa ay inspiring. Noong nakaraang taon, ginawa niya ang pelikulang Suarez, na nagbibigay ng lakas ng loob sa mga maysakit at nagsasabing mapapagaling pa rin sila sa awa ng Diyos.
Ngayon naman ang bago niyang pelikula ay iyong Yorme. Iyan ay isang kuwento ng pag-asa, at nagsasabi sa lahat na ang kahirapan ay hindi dahilan para mawalan ng pag-asa. Kung magsisikap lamang ang isang tao, kasabay ng pananampalataya sa Diyos, tiyak na siya ay magtatagumpay.
Kaya nga pinili niya ang isang character na nagsimula sa isang basurahan, nangangalakal, nasa pinakamababang level ang pamumuhay, na dahil buo ang pag-asa, umunlad, sumikat, at naging maganda ang buhay.
Iyan ang klase ng pelikulang gusto namin, kasi nagmumulat sa mata ng tao na may pag-asa, at hindi kailangang gumawa ng masama para umunlad sa buhay. Eh iyong ibang mga pelikula ngayon, ano ang nakikita mo? Kuwento ng mga bakla at mga naghuhubarang lalaki na inilalabas pati ang kanilang pribadong bahagi. Para bang sinasabi na kung naghihirap ka sa buhay, mag-call boy ka. Ibenta mo katawan mo sa mga bakla. Kikita ka ng malaki nang walang pagod.Ganoon ba dapat?
Kawawa ang mga kabataan natin. Sarado ang mga eskuwelahan dahil sa lockdown. Kulang na ang nagtuturo ng tamang values at kagandahang asal. Ang mga magulang, abala sa hanapbuhay dahil dalawang taon ngang lockdown, walang hanapbuhay, at ngayon lang nagsisimulang kumita at magbayad ng maraming utang. Paano mo maaasahan iyang mga iyan na gumabay nang husto sa mga anak nila? Tapos ang mapapanood sa sine at makikita sa social media, iyang mga mahahalay na panoorin. Ano ang kalalabasan ng mga kabataan natin sa susunod na henerasyon? Isang henerasyon ng mga patutot?
Kaya ngayong nagbubukas na ang mga sinehan, sabi nga namin wala kaming ieendoso kundi mga wholesome na pelikula kagaya ng Yorme, at saka po suportahan ninyo ang mga malilinis na pelikulang walang halong kalaswaan at kawalanghiyaan.