HATAWAN
ni Ed de Leon
“Baka nga ito na ang huli kong soap,” sabi ni Heart Evangelista, na ang tinutukoy ay ang tinatapos niyang serye sa telebisyon. Pero bago iyan, kaunting leksiyon muna tayo. Alam ba ninyo kung bakit ang mga serye ay tinatawag na “soap opera” o “soap”? Noong araw po, iyang mga seryeng drama ay nasa radyo. Wala pa namang TV noong araw. Lahat halos ng mga serye, ang sponsor ay sabon. May sabong panlaba kagaya ng Perla, Wheel, Tide at kung ano-ano pa. Ganoon din ang mga sabong pampaligo kagaya ng Lifebouy, Camay at iba pa. Hindi pa uso ang mga beauty soap noong araw. Likas pang magaganda ang mga tao noon.
Ngayon balikan natin si Heart. Masyadong maraming pinagkaka-abalahan si Heart. Nagpipinta siya. Ang daming kumukuha sa kanya bilang international model. Bukod doon ang dami ring offers sa kanya na mga international movies. Eh hindi niya magagawa iyan kung patuloy siyang gagawa ng “soap” na ang taping ay masyadong demanding.
Iyon na nga siguro ang dahilan kung bakit ayaw na muna niya ng soap.
Maraming nakalalampas na pagkakataon eh.