PROMDI
ni Fernan Angeles
ANG mga kapitalista ay namumuhunan ng pera para kumita at hindi para lang masuba ng kung sinong Poncio Pilato sa pwesto. Ito ang kuwento ng isang politikong pagkatapos magbigay ng down payment para sa inarkilang ad space ay tila nagalit pa dahil binaklas ang kanyang billboard na lagpas sa kontratang binayaran.
Sa Taytay, Rizal piniling magnegosyo ng may-ari ng Holistic Marketing Services Communications Firm Corporation, sa paniwalang may potensiyal ang bayang higit na kilala bilang Garments Capital of the Philippines, lalo pa’t nakadikit lamang ang nasabing lokalidad sa National Capital Region.
Tama naman ang kapitalista sa kanyang sapantaha – maliban sa isang bagay. Hindi marahil alam ng nasabing kapitalista ang likaw ng mga nagbibida-bidahang hangad lang ay sumikat at magsamantala.
Sa isang kalatas na inilabas ni Binibining Cherry Pie Balabad, may-ari at tumatayong Marketing Manager ng Holistic, inamin nitong sila mismo ang nagpasyang baklasin ang higanteng billboard ni Konsehal Pia Cabral. Katwiran nila, isang buwan lang ang kontratang inakala nila para ipakilala ang negosyo ng isang kompanya.
Ang siste, may kapirasong pangalan ng negosyo sa billboard, pero higit na prominente ang pagmumukha ni Cabral na kandidato pala ngayon para vice-mayor ng nasabing bayan.
Susmaryosep! Akala ko corporate endorser sa dambuhalang billboard. Epalloid pala!
Ang masaklap, wala na palang sumunod pang kabayaran maliban sa katumbas na kabayaran para sa isang buwan. Hindi rin umano akalain ng Holistic na mukha ng isang kandidato ang ikakarga sa kanilang pinarerentahang ad space sa Tikling Rotonda sa Barangay Dolores ng nasabing bayan.
Taliwas naman sa totoong istorya ang pagkakalat ng “fans club” ng konsehalang pumopostura. Ayon sa kanyang Tropang Mosang, binaklas daw ng lokal na pamahalaan ang higanteng billboard sa panulukan ng Ortigas Avenue Extension at Manila East Road — bagay na malabong mangyari dahil hindi pasilidad ng pamahalaan ang nasabing ad board.
Kung tutuusin, karapatan ng Holistic na baklasin ang nasabing dambuhalang billboard dahil sa kabiguan na rin marahil ng kanilang kliyenteng i-renew ang kontrata at magbayad ng karampatang renta. Sa totoo lang, may palugit pa ngang dalawang linggo bago binaklas ang dambuhalang mukha na wari ko’y maagang nangangampanya sa puwesto ng vice mayor na kanyang inaasinta.
Pero sa halip na bayaran, pinaratangan pa silang nakikisawsaw sa politika – bagay na sadyang nakadedesmaya sa kahit sinong kapitalista.
Ano naman ang kinalaman ng politika sa renta?