KINONDENA ni ACT-CIS Partylist Rep. Rowena Niña Taduran ang pagpatay sa isang mamamahayag sa Davao del Sur.
Ayon sa House Assistant Majority Leader, nararapat ang mas malalim na imbestigasyon at mabilis na aksiyon sa pagpatay kay Orlando “Dondon” Dinoy na binaril ng isang tao na pumasok sa kanyang inuupahang bahay.
Kaugnay nito, nanawagan si Taduran, dating miyembro ng media, na ipasa ang Media Workers Welfare Bill.
“Kailangan ng mga nagtatrabaho sa media ang proteksiyon, at ito ay maibibigay ng Media Workers Welfare Bill. Napakamapanganib ang trabaho ng media, kaya’t kailangang may batas na magbibigay sa kanila ng seguridad,” ayon kay Taduran, may-akda ng panukalang batas.
Nagpahayag ng pagkabahala ang mambabatas sa mga hindi pa nareresolbang kaso ng pagpatay ng mga mamamahayag sa bansa na sa ngayon ay inoobserbahan ng Global Impunity Index.
“We know that these cases are already in court. Pero ang katanungan natin, gaano naman kabilis ang pag-usad nito sa korte? Kailan nila makakamit ang hustisya? At natulungan ba ang kanilang naiwanang mahal sa buhay,” tanong ni Taduran.
“The passage of the Bill on Media Workers Welfare will be a big contribution in protecting the rights of all who work in media, whether in front or behind the scenes,” ani Taduran.
Noong nakaraang taon, dalawang mamamahayag ang binaril at pinatay habang nasa kasagsagan ng pandemyang dulot ng CoVid-19.
Kabilang dito sina Cornelio Pepino, brodkaster sa radyo sa Negros na pinaslang ng dalawang lalaki noong Mayo at si Jobert Bercasio, online broadcaster, na binaril at pinatay ng dalawang nakasakay sa motorsiklo sa Sorsogon City noong Setyembre.
Sa rekord ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), umabot sa 21 mamamahayag ang pinaslang sa ilalim ng Duterte administration.
Narito ang talaan: (1) Apolinario Suan, Jr., 14 Hunyo 2016, Bislig City, Surigao de Sur; (2) Larry Que, 19 Disyembre 2016, Virac, Catanduanes; (3) Mario Cantaoi, 6 Enero 2017, Magsingal, Ilocos Sur; (4) Marlon Muyco, 17 Pebrero 2017, M’lang, Cotabato; (5) Joaquin Briones,
13 Marso 2017, Milagraos Masbate; (6) Rudy Alicaway, 6 Agosto 2017, Molave, Zamboanga del Sur; (7) Leo Diaz,
7 Agosto 2017, President Quirino, Sultan Kudarat; (8) Christopher Lozada, 24 Oktubre 2017, Bislig City, Surigao del Sur; (9) Edmund Sestoso, 30 Abril 2018, Dumaguete City, Negros Oriental; (10) Carlos Matas,
12 Mayo 2018, Labangan, Zamboanga del Sur; (11) Dennis Denora, 7 Hunyo 2018, Panabo City; (12) Joey Llana, 20 Hulyo 2018, Daraga, Albay; (13) Benjie Caballero, 30 Oktubre 2019, Tacurong City, Sultan Kudarat; (14) Eduardo Dizon, 10 Hulyo 2019,Kidapawan City, Cotabato; (15) Dindo Generoso, 8 Nobyembre 2019, Dumaguete City, Negros Oriental; (16) Cornelio Pepino, 5 Mayo 2020, Dumaguete City, Negros Oriental; (17) Jobert Bercasio, 14 Setyembre 2020, Sorsogon City; (18) Virgilio Maganes, 10 Nobyembre 2020, Villasis, Pangasinan; (19) Ronnie Villamor, 14 Nobyembre 2020, Milagros, Masbate; (20) Rizalino “Inday Rufing” Torralba, 27 March 2021, Tagbilaran City, Bohol; at (21) Orlando Dinoy, 30 Oktubre 2021, Bansalan, Davao del Sur.
Sa ginanap na 2021 International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists nitong Martes, 2 Nobyembre, binigyan diin na may malaking papel ang prosecutorial services para sa pag-iimbestiga at pag-uusig, hindi lamang ng pamamaslang kundi kasama rin ang banta ng pandarahas, sa iba’t ibang anyo, laban sa mga mamamahayag upang papanagutin ang mga suspek o ang mga akusado. (GERRY BALDO)