NAGPAHAYAG ng intensiyon ang pamahalaang lungsod ng Navotas sa pagsali sa pilot study ng face-to-face classes na gagawin sa 15 Nobyembre 2021.
Ito’y matapos pirmahan ni Mayor Toby Tiangco ang sulat ni Dr. Al Ibañez, OIC-Assistant Schools Division Superintendent ng lungsod, bilang pagsang-ayon na sumali sa pilot study ng F2F classes.
Ayon kay Mayor Tiangco, 45 senior high students ang kasali rito sakaling aprobahan ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH).
“Nag-meeting na rin po tayo kasama ang concerned offices tungkol dito. Napagkasunduan natin na dapat bakunado ang mga batang kasali sa face-to-face classes kaya bibigyan ng prayoridad sa pagbabakuna ang mga papasok sa F2F classes,” pahayag ni Tiangco.
Tandaan lamang aniya na voluntary ang pagbabakuna at depende ito sa desisyon ng bata at ng kanyang magulang o guardian.
Dagdag niya, para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro, mga bakunado lang muna ang papayagan pumasok. (ROMMEL SALES)